Paano uunlad sa 2010 at paano makakamtan ang inyong panalangin (from Target ni Tulfo)

UPANG umunlad ang iyong buhay sa 2010, isaloob ang mga sumusunod na mantra:
–Umaapaw ang aking pera.
–Mas marami akong ibinibigay, mas marami akong tinatanggap sa Diyos; at mas marami ang dating ng grasya, mas marami pa akong maibibigay sa aking kapwa.
–Salamat po, Panginoon, sa kayamanan na ibinibigay Mo sa akin.
* * *
Ano ang mantra? Isa itong salita o kataga na sinasabi paulit-paulit.
Ang mantra ay ginagamit sa ritual sa Eastern religions gaya ng Buddhism at Hinduism.
Sinasabing ang mantra ay ating pag-uugnay sa Poong Maykapal.
Kapag binibigkas mo ang mantra ng marami beses araw-araw, nagiging totoo ito kahit na hindi mo ito pinaniniwalaan.
Ito ang dahilan kung bakit kahit na mayaman ka ay magiging gipit ka sa pera kapag palagi mong sinasabi na wala kang pera upang hindi ka utangan ng mga kaibigan o kamag-anak.
Ito ang tinatawag na self-fulfilling prophecy.
Dapat malaman natin na ang ating sinasabi ay may kapangyarihan kaya’t mag-ingat tayo sa mga katagang lumalabas sa ating bibig.
* * *
Isa pang paraan upang umunlad ang iyong buhay ay palagi mong isipin na maraming pera ang dumarating sa iyo.
Araw-araw isipin mo na umaapaw ang pagdating ng pera sa iyo.
Kung maaari ay gawin mo ito sa meditation session.
Ang isang bagay na palagi mong iniisip ay nagkakatotoo.
Yan ang dahilan kung bakit huwag kang mag-isip na may mangyayaring masama sa iyong buhay.
Halimbawa, kapag natatakot kang baka ikaw ay manakawan, you are sending a message to the Universe na mangyayari ito sa iyo.
Ganoon kasi ang “pag-iisip” ng Sanlibutan: Kapag palagi mong iniisip ang isang bagay—maganda man o masama—ito ay nagiging totoo.
Kapag sumagi sa isip mo halimbawa ang isang masamang pangitain, shift your  focus to something very good gaya ng nagbabakasyon ka sa ibang bansa o naglalakad sa beach sa Boracay.
Ibig sabihin, neutral ang Universe. Hindi nito alam kung ang iniisip mo ay masama o mabuti para sa iyong sarili. Basta ibinibigay ito sa iyo dahil palagi mong iniisip.
* * *
Magbigay ng buong katapatan sa mga taong nangangailangan.
Give till it hurts, sabi ng isang kasabihan.
Kung ano ang ibinigay mo ay babalik sa iyo ng mas higit sa pinakawalan mo.
Hindi mo ba napansin na iyong mga suwapang sa pera ay sila pa yung palaging gipit, samantalang yung mga matulungin sa mahihirap ay pinagpapala?
Kasi sa iyong pagbibigay sa mga kapus-palad, iniisip mo na marami pang pera na darating sa iyo at yan nga ang ibibigay ng Sanlibutan sa iyo.

Paano makakamtan ang iyong panalangin
PATULOY ang pagbaba ng ratings ni Pangulong Gloria, sabi ng Social Weather Stations (SWS), isang reputable survey firm.
Minus 61 percent sa mga respondents ng survey ay hindi nagugustuhan ang kanyang pamamalakad.
Milagro na lang ang makapagpapataas sa ratings ni Gloria.
Pero tiyak na mananalo siya sa Pampanga kung saan siya ay tumatakbo bilang kongresista.
Ibig sabihin, walang pakialam ang mga Kapampangan kung ang kanilang kabalen ay walang kuwentang lider na isinusuka ng bayan.
* * *
Wala pa ring balita kung sinu-sino ang naghati-hati doon sa P400 million na ninakaw sa vault ng mansion ng mga Ampatuan sa Maguindanao.
Patay-malisya ang Army, Armed Forces of the Philippines at Department of National Defense (DND) sa balita.
Akala nila kapag hindi sila kikibo ang balita will die a natural death.
Subukan ninyo ang columnist na ito.
Hindi ako titigil hangga’t di maipaliwanag ng mga kumuha ng P400 million kung saan napunta ito.
* * *
Siyempre, walang kibo si Pangulong Gloria sa expose na inilantad ng inyong lingkod dito sa Target ni Tulfo at sa column niya sa INQUIRER.
At bakit nga naman aangal si GMA, eh baka sabihin sa kanya ng mga magnanakaw na hindi sila katalo ni Ma’am.
“O, bakit malinis ka rin ba?” Baka yan ang magiging sagot ng mga magnanakaw ng P400 million.
* * *
Magkakambal na sakuna ang nangyari sa bansa nang lumubog ang isang ferry at nagbanggaan ang dalawang barko na ikinamatay ng maraming tao.
Ito ang kapuna-puna sa malalaking trahedya: They come in a bunch.
Kapag may nangyaring trahedya, sinasagot ng pangalawa at pangatlong trahedya.
Kapag may nag-crash na eroplano, susundan pa ito ng isang pang pagbagsak ng ibang eroplano.
Bakit? Ito ay isang palaisipan.
* * *
Inutos ni Pangulong Gloria na imbestigahan ang seaworthiness ng ating mga sasakyang pandagat dahil sa dalawagn trahedya.
Palagi na lang niya ginagawa yan kapag may trahedya gaya nang lumubog ang isang malaking barko sa may Romblon two years ago.
Wala namang nangyayari sa kanyang mga utos.
Hindi siya sinusunod ng mga inuutusan niya dahil bukod sa pagiging babae, walang kakwenta-kwenta siyang lider.
That’s the reality in our government.
* * *
Kung gusto mong matupad ang iyong pangarap sa darating na taon, magpasalamat ka na sa Poong Maykapal kahit na di pa ito nagkakatotoo.
Kapag ikaw ay nagpasalamat sa Diyos sa katuparan ng iyong pangarap kahit na hindi pa ito nangyayari, ipinakikita mo sa Diyos ang iyong tiwala sa Kanya.
Prayer should always be thanksgiving and not begging, sabi ni Neal Donald Walsch ng mabiling-mabili libro sa New York Times list.
“Even before you ask, God has already given it to you,” according to Walsch.
May katwiran si Walsch dahil itinuturo ng mga relihiyon na kapag ikaw ay humingi ikaw ay bibigyan at kapag ikaw ay kumatok ikaw ay bubuksan.
Walang panalangin na hindi pinagbibigyan ng Diyos.
Kaya’t bago pa man ibinibigay Niya ang gusto mong mangyari, pasalamatan mo na Siya.

Mon Tulfo, Target ni Tulfo
BANDERA 010410

Read more...