Pito sa mga nasawi’y nakilala bilang sina Ernesto Genecan, 48; Linda Bawan, 69; Tato Genecan, 13; Mary Joy Guilingan, 42; Florencio Pecay Jr., 30; Joelito Genecan, 50; at Angelo Macatulad, 11, sabi sa Bandera ni Genevieve Aclanon, training staff sa City Disaster Risk Reduction and Management Office, nang kapanayamin sa telepono.
Inaalam pa ang pangalan ng ikawalong nasawi, na idiniretso na sa punerarya matapos ideklarang dead on the spot, ani Aclanon.
“‘Yung pito, declared dead sa hospital,” anya.
Kabilang sa mga sugatan ang driver ng isa sa mga SUV, habang ang iba pa’y pawang mga sakay ng jeep, ani Aclanon.
Ilan sa kanila’y naka-confine pa sa ospital habang ang iba nama’y pinayagan nang makauwi matapos malapatan ng lunas, aniya.
Naganap ang insidente sa Purok Bahada, Brgy Dao, alas-11:15.
Bumibiyahe ang jeep (JVH-576) mula Brgy. Cogonan, Labangan, patungong Pagadian proper nang masalpok ang isang Mitsubishi Adventure (MX-976) at Ford Ecosport (COJ-711), ayon sa ulat ng Zamboanga Peninsula regional police.
Karamihan sa mga sakay ng jeep ay benepisyaryo ng 4Ps, na nakatakdang tumanggap ng pera sa lungsod, Huwebes, ani Aclanon.
“Bukas ‘yung payout ng 4Ps nila. Kaya sila pumunta sa city earlier, kasi minsan lang ang biyahe mula doon sa kanila. Remote barangay ‘yung area nila,” aniya.
Lumabas sa inisyal na imbestigasyon na nagloko ang preno ng jeep habang binabagtas nito ang pababang bahagi ng kalsada.
“Pababa kasi ‘yung area na ‘yun. ‘Yung [jeep] iniiwasan niya yung dalawang SUV. Kakaiwas, tinamaan din niya, tapos tumambling siya sa right side,” ani Aclanon.
“Nung nawalan na ng preno, ‘yung ibang pasahero na nasa taas ng jeep, nagsitalunan. ‘Yun ang nakikitang cause of death.”
Ayon kay Aclanon, nakatanggap din sila ng impormasyon na ang driver ng jeep, na kabilang sa mga nasugatan, ay di pa gaanong pamilyar sa sasakyan dahil ito’y kundoktor.