HINDI sa lahat ng pagkakataon nagkakatugma ang desisyon ng mag-asawa pagdating sa isyu ng pangingibang-bayan.
Tulad na lamang ni Agnes, di tunay na pangalan. Sikreto siyang nag-ayos ng kaniyang mga dokumento upang makapagtrabaho bilang domestic helper sa Middle East.
Limang taon nang kasal si Agnes kay Fred, at wala pa rin silang anak. Ito ang dahilan kung bakit nababagot siya sa kanilang tahanan dahil ayaw rin siyang pagtrabahuhin ni mister.
Nakipag-ugnayan siya sa kanyang kaibigan sa Saudi at itinuro sa kanya ang bawat hakbang na dapat gawin upang makapag-aplay.
Nanghiram siya ng pera sa kaniyang ina para magamit na panggastos habang inaayos ang kanyang mga papeles, at nangakong ibabalik kapag nakapag-abroad na siya.
Nakiusap pa si Agnes sa ina na huwag ipaaalam sa iba ang ginagawa niyang pag-a-aplay at nang hindi makarating sa kaalaman ng asawa.
Araw-araw siyang umaalis ng bahay upang magproseso ng kaniyang mga dokumento. At iniiwan naman niya sa bahay ng kaibigan ang mga naisasaayos na mga papeles upang masigurong wala siyang dokumentong maiuuwi sa kanila.
Alam niya ang bawat schedule ng kaniyang mister kaya hindi naman siya natitiyempuhan nito na wala sa bahay kapag ito’y dumarating.
Hanggang sa dumating ang araw na pinakahihintay ni misis. Kahit hindi niya ipinaalam sa asawa ang planong pangingibang-bayan, wala naman siyang balak na umalis nang hindi nakakapagpaalm nang maayos dito.
Nang sigurado na siya sa eksaktong petsa ng kaniyang pag-alis at hawak na ang kaniyang visa, saka ito nagsabi kay mister.
Tulad ng inaasahan, galit na galit at nagwawala ang asawa ni Agnes. Hindi nito matanggap ang ginawa ng kaniyang misis.
Ramdam ni mister, labis naman siyang binalewala ng asawa at hindi man lamang inirespeto nito ang pagiging ulo ng kanilang pamilya.
Sabi naman ni Agnes, wala ring epekto sa kaniya ang galit ng asawa at kahit pa hindi ito pumayag, itutuloy niya ang kanyang plano at wala nang puwede pang makapigil sa kaniyang pag-alis.
Nang marinig iyon ni Fred, nagbitaw na rin siya ng mabigat na mga salita at sinabi niyang sa oras na lumabas siya ng kanilang bahay, huwag na itong bumalik pa dahil hindi na niya tatanggapin si misis.
Ipagpalagay na lamang niyang opisyal na paghihiwalay na nila iyon.
Tinanggap ni Agnes ang mabigat na desisyong iyon ng asawa dahil aminado naman siyang mali ang kaniyang ginawa. Nakaalis na si Agnes at umaasang huhupa rin ang galit ni mister sa kaniyang pagbabalik.
Sa ngalan nga naman ng pag-a-abroad, hahamakin ang lahat at nagawang talikuran ni misis ang kaniyang asawa.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com