Mental disorder pwedeng galing sa magulang, at iba pa

GAYA ng ibang sakit, maaari ring mamana ang sakit sa pag-iisip.

Ayon kay Dr. Rodelen Paccial, ng National Center for Mental Health, ang sanhi ng mental disorder ay multi factoral o magkakahalo ang pinanggalingan.

Ang tawag ni Paccial dito ay biopsychosocial—“may biological may psychological at may social factor din po yan.”

“Half of it is genetics…(kung) ang nanay mo depressed, ang uncle mo may dementia, so probably may risk factor ka na inside you,” ani Paccial sa isang panayam sa radyo.

Paliwanag ni Paccial: “Nakatatak po yan sa genes natin, we cannot escape our heritage…. Ang ano po nyan is sa neuro-transmitter usually, tsaka yung receptors ng neurons natin. Doon usually po naka-link yung mga genes na yan.”

At kapag nakatagpo ang genes na ito ng hindi magandang pangyayari sa buhay ay maaaring lumabas ang mental disorder.

Stress, trauma

Ilan umano sa mga nakakaapekto sa paglabas ng mental disorder ang stress, extreme life experiences tulad ng kalamidad, personal trauma gaya ng violence against women at against children, pagpapalaki sa isang tao at paggamit ng substances gaya ng ipinagbabawal na gamot.

“Ibig sabihin social factor also lend a rule sa paglabas po ng mental disorders po no. In truth everybody carries a risk for mental disorder, it’s our resilience factors and strengths natin coping skills natin, adaptation skills natin which would determine kung bibigay tayo….”

Pamilya may konek

Isang malaking impluwensya rin umano sa mental disorder ang pamilya kung saan natututo ang isang tao ng tamang paghawak sa problema.

“If we are in a family na supportive, pag laki mo nakikita mo pano mag cope si dad mo, si mom mo, nakikita mo yung disposition nya, nakikita mo pano siya mag-isip pano siya mag-deal ng problem so ngayon nag-a-identify ka rin nagli-learn ka rin na ito pala pano mag handle ng problem sa buhay.”

Payo ni Paccial sa mga magulang magbigay ng quality time sa mga anak at gabayan ang mga ito sa pagresolba sa kanilang mga problema. Makabubuti rin umano kung maayos ang mga kaibigan ng bata.

“Always interpersonal, kung ok ang interpersonal ng bata magiging okay din siya kasi nagli-learn din tayo from peers. Example may problema ka nagkukuwento kayo about the problem, pano nya na-deal yung sa kanya yun makikita mo rin there is hope pala pag ganitong problema malalampasan din.”

Mental health malaking tulong

Ikinatuwa naman ni Karen Quing, clinical psychologist for academics ng Southern Luzon State University, ang Mental Health law ay inaasahang makatutulong sa maraming Pinoy na mayroong mental disorder.

“…sa Philippines wherein tumataas ang rates ng may mental health concerns such as depression, suicide rates, etc. dapat talaga may mental health law tayo,” ani Quing.

Stigma

Sinabi ni Quing na nakalulungkot at sa bansa ay mayroong stigma pa rin kapag sinabi mong mayroong mental disorder kaya marami ang hindi nagpapatingin dahil takot na mahusgahan ng lipunan.

“..sa Philippines kasi may stigma pa rin ang usaping mental health e, … it only shows na very little ang awareness ng tao when it comes to mental health issues. So with the passing of the mental health law, may mag-raraise ito ng awareness sa ating society.”

Payo naman ni Quing sa mga tao “Wag mag-self-diagnose kasi hindi nakakatulong yun, lalo na kasi madalas sine-search na sa Google lahat without really knowing kung anong diagnosis sa kanila, kaya ang result nag-o-overthink lalo sila”.

Noong Hunyo 21 ay pinirmahan na ni Pangulong Duterte ang Philippine Mental Health law (RA 11036).

Layunin ng batas na pag-ibayuhin ang pangangalaga sa mga tao na mayroong nararanasang problema sa pag-iisip at tulungan ang kanilang pamilya na maintindihan ang kalagayang ito.

Bago ang batas, ang Department of Health ay mayroong Hopeline project na maaaring tawagan ng mga taong depressed. Layunin ng programa na matulungan ang mga may problema at alisin sa kanilang isipan na takasan ang problema sa pamamagitan ng pagpapakamatay. — Leifbilly Begas, Paolo Mendez, Princes Abegail Pren

Read more...