APAT sa bawat limang Filipino ang hindi pabor na pabayaan na lamang ang China sa ginagawang nitong pagtatayo ng imprastraktura sa West Philippine Sea.
Ayon sa survey ng Social Weather Stations (SWS) noong Hunyo 27-30, sinabi ng 81 porsyento na porsyento na hindi tama na pabayaan na lamang ang China sa pagtatayo nito ng imprastraktura at pagkakaroon ng militar sa pinag-aagawang teritoryo.
Ang nagsabi naman na tama na ito ay pabayaan na lamang ay 19 porsyento.
Nagsabi naman ang 80 porsyento na dapat palakasin ng gobyerno ang sandatahang lakas nito at 19 porsyento ang nagsabi na hindi ito tama.
Sinabi naman ng 74 porsyento na dapat dalhin ng bansa sa international organization ang isyu para magkaroon ng diplomatic negotiation samantalang ang 25 ay nagsabi na hindi ito ang dapat na gawin.
Kung ang 73 porsyento naman ang tatanungin dapat ay magkaroon ng bilateral negotiation sa pagitan ng Pilipinas at China. Ayaw naman dito ng 27 porsyento.
Para naman sa 68 porsyento maaaring makipag-usap sa ibang bansa ang Pilipinas para mamagitan sa pinag-aagawang teritoryo. Ayaw naman dito ng 32 porsyento.
Wala ring tiwala ang mga Filipino sa China. Nakakuha ito ng 18 porsyentong trust rating, 27 undecided at 53 porsyento ang walang tiwala o -35 net trust rating.
Ayon sa 12 porsyento sila ay mayroong malawak na kaalaman sa isyu, 40 ang mayroong sapat na kaalaman, 43 porsyento ang may maliit na kaalaman at 5 porsyento ang halos walang kaalaman.
Ang survey ay mayroong error of margin na plus/minus 3 porsyento. Kinuha ang opinyon ng 1,200 respondents sa survey.