San Miguel Beermen, Alaska Aces sisimulan ang semis duel

Laro Ngayong Hulyo 14
(Mall of Asia Arena)
6:40 p.m. Alaska vs San Miguel Beer

PILIT na ipagpapatuloy ng nagtatanggol na kampeong San Miguel Beer ang daan tungo sa inaasam nitong ikalawang grand slam sa liga sa pagpigil kay Vic Manuel at sa Alaska Aces sa pagsisimula ngayong gabi ng kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup best-of-five semifinals series sa Mall of Asia Arena.
Agawan sa una sa kailangang tatlong panalo sa ganap na alas-6:40 ng gabi ang No. 2 seed na Aces, na agad tumuntong sa semifinals matapos na biguin ang nakatapat na Magnolia Hotshots, 89-78, habang kinailangan ng Beermen na dalawang sunod na talunin ang TNT KaTropa upang muling tumuntong sa semis.

“It will be a tough series. With their import that is really fitted with them, they’re playing inspired game. They’re very dangerous lalo na ang ganda ng nilalaro ni Muscle Man (Vic Manuel),” sabi ni San Miguel Beer coach Leo Austria patungkol sa pangunahin nitong problema sa Aces na si Manuel at import Diamon Simpson.

“This is the first time we’re in the semis coming from a quarterfinals where we’re the lower seed. ‘Yung six championships kasi namin, lagi kaming higher seed. And it’s really a tough challenge we went through against TNT.”

“Good thing, we learned from the previous game. They had a good start then. If we’re not able to come back, disaster sa amin. It happened again tonight, lumamang sila ng malaki sa first quarter. But credit to the championship poise and experience of our players, nakalusot uli kami,” sabi pa ni Austria.

Huling itinala ng Beermen ang 106-102 panalo kontra KaTropa noong Miyerkules para sa ikalawang sunod na panalo sa quarterfinals at lumapit sa posibleng ikalawang sunod nitong kampeonato ngayong taon.

Gayunman, sasagupain ng Beermen ang mapanganib na Aces na nagnanais putulin ang kanilang dominasyon sa tila rematch ng kanilang Philippine Cup title showdown noong 2016 kung saan itinala nito ang “Beer-acle Run” mula sa pag-ahon sa pagkakaiwan sa 0-3 sa serye upang hablutin ang korona.

Inaasahang sasandigan ng Aces ang sunod-sunod na tinanghal na player of the game na si Manuel na nagtala ng 22 puntos, 9 rebounds at tig-isang assist, steal at 1 block pati ang nagbabalik na si Simpson na nagtala ng 13 puntos, 15 rebounds, 4 assists, 4 steals at 2 blocks sa ikalawa nitong laro matapos palitan si Antonio Campbell.

Read more...