GINAGAWANG isyu ng mga kritiko ni Pangulong Digong ang maanomalyang P60-milyong kontrata na isinagawa ng aking mga kapatid na si Wanda Teo, dating Tourism secretary, at Ben, sa PTV-4 government network.
Sinasabi ng mga kritiko ni Digong na di niya mapaimbestiga sina Wanda at Ben dahil sa pagkakaibigan naming dalawa.
Nanawagan ako sa Malakanyang at ibang ahensiya ng gobyerno na imbestigahan si Wanda at Ben at kung kinakailangan ay sampahan sila ng reklamo.
Wala akong pakialam kung plunder ang ikakaso sa kanila.
Nananawagan din ako na imbestigahan ang mga kasabwat ni Ben sa PTV-4 at mga opisyal ng Presidential Communications Operations Office o PCOO na may kinalaman sa kontrata.
Nobody should be spared in Digong’s campaign against corruption.
Nadadamay ako at ang aking mga kapatid na sina Raffy at Erwin sa kontrobersiya.
Wala naman kaming kinalaman sa maano-malyang kontrata.
Kahit saang anggulo natin tingnan, talagang may pagkukulang si Wanda nang pinirmahan niya ang kontrata with PTV-4.
Ito namang si Ben ay di niya sinabi kay Wanda na siya ang makikinabang sa pera.
Kasalanan ni Wanda dahil siya’y tanga.
Si Ben ay isang glib talker. Puede niyang ipagbili ang Jones Bridge at Malakanyang sa mga taong bano o siano dahil sa kanyang “wers-wers” o slang na pagsalita ng Ingles.
Nang marinig ko si Presidential Spokesman Harry Roque sa national TV na ipinasosoli ni Pangulong Digong sa mga Tulfo brothers ang P60 milyon, agad ko siyang tinawagan.
Sinabi ko kay Roque na huwag naman kaming idamay dahil inosente kami.
Nasasaktan din sina Raffy at Erwin, sabi ko kay Roque, dahil nadudungisan ang kanilang pangalan.
Parang nasa isang lifeboat kaming apat nina Ben, Raffy, Erwin at ako matapos lumubog ang barko.
Tatlo lang katao ang dapat na nasa lifeboat na pinaliligiran ng mga gutom na pating.
Dapat ang isa sa apat ay itapon sa dagat upang masalba ang tatlo.
Sino sa inyong opinyon ang dapat na itapon sa dagat at ipakain sa mga pating?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.