Barangay Ginebra Gin Kings umusad sa semifinals
Laro Ngayong Hulyo 12
(Mall of Asia Arena)
7 p.m. GlobalPort vs Rain or Shine
HINDI napigilan ang Barangay Ginebra Gin Kings na tumuntong sa semifinals matapos nitong walisin sa loob ng dalawang laro ang Meralco Bolts, 104-90, sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup best-of-three quarterfinals series Miyerkules ng gabi sa Smart Araneta Coliseum.
Kinailangan munang bumalikwas ng mga Gin Kings sa 12 puntos na pagkakaiwan sa unang yugto, 12-24, bago nito unti-unting inangkin ang kalamangan sa ikalawang yugto tungo sa pagtala ng ikapitong sunod na panalo sapul na makasama nito ang import na si Justin Brownlee.
Matapos maghabol sa 24-28 sa pagtatapos ng unang yugto ay ibinagsak ng Gin Kings ang 32-23 atake sa ikalawang yugto at 23-14 sa ikatlong yugto upang magbalik sa pamilyar nitong teritoryo matapos na huling malasap ang pagsabak nito sa semifinals sa nakaraang Philippine Cup.
Binitbit ni Brownlee ang fifth seed na Gin Kings sa kabuuan ng laro upang ihatid ang nakalabang fourth seed na Bolts sa maagang pagkakapatalsik sa torneo.
Nagtala si Brownlee ng 36 puntos, siyam na rebound, anim na assist at tatlong steal upang bitbitin sa ikatlong pagkakataon ang Gin Kings na ginawa nito sa nakalipas na dalawang kampeonato sa ng Governors’ Cup.
Hihintayin na lamang ng Gin Kings ang magwawagi sa pagitan ng Rain or Shine Elasto Painters at Globalport Batang Pier.
Samantala, pilit na itatala ng Batang Pier ang sarili nitong kasaysayan bilang ikalawang koponan na No. 8 seed na napatalsik ang top seed na koponan sa pagsagupa sa Elasto Painters sa kanilang do-or-die quarterfinals game ngayong gabi sa Mall of Asia Arena.
Ganap na alas-7 ng gabi inaasahang isasagawa ng Batang Pier ang pinakamalaking upset sa torneo sa pagnanais maitala ang ikalawang sunod na panalo kontra Elasto Painters upang makabalik sa semifinals.
Inaasahang sasandigan muli ng GlobalPort si Jonathan Grey na itinulak ang koponan sa matira-matibay na labanan ngayon para umasa na maging No. 8 seed na koponan na nakaagaw ng silya sa semis sapul nagawa ng Powerade Tigers na talunin ang No. 1 squad B-Meg Llamados sa 2011 Philippine Cup quarterfinals.
Matatandaan na isinalpak ni Grey ang pampanalong 3-point shot sa huling 12 segundo upang panatilling buhay ang tsansa ng GlobalPort sa korona sa paghugot ng 114-113 panalo kontra sa Rain or Shine.
“Pag nagmintis panget. Pag shumoot, pogi,” sabi ni Grey na nakuha ang bola sa pasa ni import Malcolm White sa harap mismo ng GlobalPort bench at walang pag-aalinlangan na ibinato ang 3-point shot na suwabe sa net.
“Sabi niya sa akin bago mag-start, ‘Jo, pakitaan mo naman ako. Bigay mo naman sa akin ‘to,’” pagkukuwento ni Grey patungkol kay coach Pido Jarencio bago magsimula ang laro.
“(Kung) ‘yung coach mo kinakausap ka ng ganun, parang iba na. Magiging confident ka talaga na, maglalaro ka ng maganda. Binibigay niya sa iyo ‘yung tiwala e. Ibang klase,” sabi pa ni Grey.
Ikinatuwa naman ni Jarencio na nagresponde ang dalawang taon sa liga nitong wingman.
“Sabi ko nga sa kanya, ‘Laruan mo naman ako. Bigyan mo ko ng depensa, bigyan mo ko ng score.’ ‘Sige coach,’ sabi niya,” sabi ni Jarencio. “Kaya ‘yung playing time, andun, at the same time nag-deliver. For sure priority na siya sa rotation namin.”
Ang tres ni Grey ang nagkumpleto sa pagbalikwas ng GlobalPort sa paghahabol sa 16 puntos sa ikatlong yugto para ipalasap ang kabiguan sa nanguna sa eliminasyon na Rain or Shine.
Nagmintis muna si Rain or Shine guard Maverick Ahanmisi sa kanyang tatlong sunod na free throw sa papatapos na minuto ng yugto upang mabigyan ng pagkakataon ang GlobalPort na maagaw ang panalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.