SA kabila ng pamamayagpag ng mga Pinoy independent films sa Pilipinas at sa iba’t iba pang bahagi ng mundo, problema pa rin ng mga filmmakers kung paano dadalhin sa mas malawak na platform ang kanilang mga obra.
Bagama’t marami nang naiuwing parangal ang ilan sa ating mga pelikula mula sa local and international film festival, limitado pa rin ang oportunidad para sa mga indie films dahil sa mga blockbuster at mainstream movies na mas madalas ipalabas sa mga sinehan sa bansa.
Ito ang nais na bigyang-pansin ngayon ng radio host-producer-professor na si Carl Balita na nagpagawa nga ng isang bonggang microcinema sa loob mismo ng pag-aari niyang review center, ang CRRC Dream Theater na pormal na ngang nagbukas kamakailan.
Sa pamamagitan ng CBRC Dream Theater, mabibigyan uli ng pagkakataon ang mga award-winning independent films na mapanood ng mas maraming Pinoy. Matatagpuan ang CRBC Dream Theater sa España, Maynila sa gitna ng University Belt kung saan malapit sa mga estudyante at interesado sa mga pelikulang may hatid na kaalaman at isyu sa lipunan.
Sa halagang P150, hindi na rin nalalayo sa regular na sinehan ang mararanasan ng mga manonood sa CBRC Dream Theater dahil kaya nitong maka-accommodate ng hanggang 250 katao, may 4K Project unit, fully-airconditioned at may 5.1 Surround Sound System Stereo pa.
Unang itinampok na pelikula sa pagbubukas ng nasabing microcinema ang itinanghal na 2017 MMFF Best Picture na “Ang Larawan” na idinirek ni Loy Arcenas. Ito’y pinagbibidahan nina Joana Ampil, Rachel Alejandro at Paolo Avelino.
Naging espesyal na bisita naman sa formal opening ng Dream Theater ang mga producer ng “Ang Larawan” na sina Celeste Legaspi at Girlie Rodis. Nandoon din ang award-winning ac tres na si Angeli Bayani na bumida sa pelikulang ipinrodyus ng Carl Balita Productions, ang “Maestra”.
Sa pagtatayo ng mga microcinema gaya ng CBRC Dream Theater, nais ni Carl Balita na makatulong sa tulad niyang independent filmmakers pati na rin sa mga theater artists na naghahanap ng venue para sa kanilang mga obra. At hindi lang sa Metro Manila magkakaroon ng Dream Theater dahil plano rin ng producer na magtayo sa lahat ng branches ng Carl Balita Review Center para mas lumawak pa ang maabot ng mga makabuluhang indie movies.
May mahigit 100 review centers si Dr. Carl sa iba’t ibang panig ng bansa at handa siyang i-convert ang mga ito sa sinehan para maging venue ng magagandang pelikula na hirap mabigyan ng maraming bilang ng sinehan sa commercial establishments.
Ngayong Hulyo, nakatakda namang ipalabas sa CBRC Dream Theater ang “Respeto” na pinagbibidahan ni Abra.
Bukas ang sinehan mula sa 6:30 p.m. na matatagpuan sa 3F Carmen Building 881 G. Tolentino St. España, Manila. For inquiries, tawag lang kayo sa 0945-4922869 at hanapin si Jerrick David. – Beverly Samarita