NAKAPAGTALA ang Department of Health ng 25 porsiyentong pagtaas sa kaso ng dengue sa Metro Manila, sabi ng isang opisyal DOH.
Ito’y matapos namang umabot sa 7,200 kaso ng dengue ang naitala ng DOH sa Kalakhang Maynila mula nang magsimula ang tag-ulan sa bansa.
Sa panayam ng DZMM, sinabi ni DOH Undersecretary Eric Domingo na mas mataas ito kumpara sa 5,800 kaso ng dengue sa kahalintulad na panahon noong 2017.
“Ang peak season natin ng dengue [ay] nag-uumpisa na dahil syempre pag maraming tubig sa paligid na pinupugaran ng lamok, kung saan sila nanganganak at dumadami,” sabi ni Domingo.
Idinagdag ni Domingo na tumaas din ang mga kaso ng dengue sa Ilocos Region ng 80 porsiyento at Cagayan Valley, ng 66 porsiyento.
“Other regions including Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, and Northern Mindanao have also recorded spikes in dengue cases,” ayon pa kay Domingo.
Nauna nang nagdeklara ang DOH ng dengue outbreak sa Itbayat, Batanes, matapos masawi ang isang bata sa dengue.