4 sugatan, ilang gusali napinsala sa 5.1-magnitude lindol

DI bababa sa apat katao ang nasugatan at ilang istruktura ang napinsala nang yanigin ng magnitude-5.1 na lindol ang Surigao del Norte, Huwebes ng madaling-araw, ayon sa mga otoridad.
Nagtamo ng mga sugat sina Sabino Omas-as, 71; Jun Carl Hernandez, 26; Suzette Escobido, 39; at Ryan Cayetano, 25, pawang mga taga-Surigao City, kaya dinala sa ospital, ayon sa ulat ng Surigao del Norte Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO).
Pinayagan ding makauwi ang apat matapos malunasan.
Naganap ang lindol alas-12:24, at natunton ang sentro nito sa bayan ng San Francisco.
Dahil sa pagyanig, nabuwal ang lumang gusali ng San Nicolas High School sa naturang bayan, pati ang isang di pa tapos na istruktura ng lokal na pulisya, ayon sa ulat.
Sa Surigao City, nabuwal din ang ilang bahagi ng pader ng E.Y. cement warehouse sa Nueva ext., at napinsala ng debris ang isang multicab at apat na tricycle na nakaparada doon.
Kinakitaan din ng mga crack ang isang grocery sa kahabaan ng Rizal st.
Naantala ang suplay ng kuryente sa mga lugar na sakop ng Surigao del Norte Electric Cooperative noong kasagsagan ng lindol, ngunit naibalik matapos ang 30 minuto, ayon sa PDRRMO.
Nagsasagawa pa ng karagdagang assessment sa mga lugar na naapektuhan ng lindol, lalo na sa San Francisco, sabi ni April Sanchez, information officer ng Caraga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council.
Sinuspende lahat ng klase, mula primary hanggang senior high school, sa Surigao City at San Francisco para bigyang-daan ang damage assessment, aniya.

Read more...