Sa ulat mula sa Quezon City Police Department (QCPD), dumating si Police Officer 2 Rino Agader sa pinangyarihan ng krimen kung saan, gamit ang isang martilyo, binabasag umano ng isa sa mga suspek ang kaliwang bintana ng isang Toyota Avanza, na nakaparada sa malapit sa Benedictine International School.
Lumapit si Agader sa suspek at nagpakilala sa may-ari ng kotse, na nagtatalo na.
Agad umanong bumunot ng baril ang suspek at pinaputukan si Agader, bagamat hindi tumama.
Tumakas ang dalawang suspek papuntang Capitol Hills sakay ng isang motorsiklo. Agad namang inalerto ni Agader ang mga miyembro ng Police Station 6 (PS6), na nagsasagawa ng operasyon sa Oplan Sita, malapit sa lugar.
Pinaputukan ng mga miyembro ng PS6 ang mga suspek, na nagresulta sa agarang pagkamatay ng dalawang suspek.
Sinabi ni QCPD Director Chief Supt. Joselito Esquivel na inaalam pa ng mga imbestigador kung mga miyembro ng “Batac Robbery Group,” ang mga napatay.
“Inaalam pa natin kung kasama ng mga napatay na ssuspek ang mga naunan nang nahuli ng QCPD at Marikina City Police na leader ng Batac Robbery Hold-up Group at lima pa nitong miyembro matapos silang ireklamo ng kaparehong modus ng pambabasag ng salamin ng sasakyan para magnakaw ng mga gamit,” sabi ni Esquivel.
Inilarawan ni Esquivel ang isa sa mga suspek na katamtaman ang pangangatawan at nasa pagitan 38 at 40. Nakasuot ang suspek ng itim na helmet, itim na face mask, itim na t-shirt, maong pants, at rubber shoes.
Samantala, tinatayang nasa pagitan ng 33 hanggang 37-anyos, katamtaman din ang pangangatawan at nakaitim na t-shirt at brown pants ang isa pang suspek.
Nakumpiska mula sa suspek ang dalawang .38 caliber revolver, martilyo, at hindi rehistradong asul na motorsiklo na ginamit bilang getaway vehicle.
Nakumpiska rin ng mga suspek ang pitong sachet ng shabu.