ANG kapalaran nga naman kung minsan, sobrang galing sa pagbibigay ng sorpresa, dumarating ang mga regalo sa isang pagkakataong hindi natin inaasahan.
Napakahalagang sorpresa para sa mga tapat na nagmamahal kay dating Senador Bong Revilla ang hindi inaasahang rebelasyon ng witness na si Marina Sula sa pinakahuling pagdinig sa kasong plunder na isinampa laban sa aktor-pulitiko.
Nauna nang nagbigay ng salaysay ang whistleblower na si Benhur Luy, idiniin nito nang husto si Senador Bong, kaya nang maupo sa witness stand si Marina Sula ay abut-abot ang nerbiyos ng kampo ng senador.
Pero kabaligtaran ang nangyari, kinontra ng witness ang kanyang kapwa saksi, isinalaysay nito na walang dapat panagutan si Senador Bong sa kasong plunder dahil ito mismo ang nakakita kay Benhur Luy na pinipirmahan ang mga endorsement letters ng mga NGO’s na nasa pag-iingat nito bilang mga ebidensiya raw na lalong magdidiin sa inaakusahan.
Nagkaroon ng kunsensiya si Marina Sula na sabihin na ang totoo dahil awang-awa na raw ito sa aktor-pulitikong apat na mahahabang taon nang nakakulong sa PNP Custodial Center samantalang wala naman siyang dapat pagdusahang kaso.
Iyak nang iyak si Mayor Lani Mercado nang umiiyak ding nililinis ng witness ang pangalan ng kanyang asawa, ang mga loyalista ni Senador Bong ay nagsigawan at nagpalakpakan din, kaya lumutang ang malakas na salita ng tagausig na “Silence in the court!”
Positibo ang hatid ng mga isinalaysay ng witness, lalo na nang sabihin nito na pinag-utusan silang mga whistleblower na idiin si Senador Bong, pero hindi na kinaya pa ng kunsensiya nito.
Isang araw, isang pangarap ang magaganap, ang matagal nang hiling ng pamilya, mga kaibigan, tagasuporta at tagahanga ni Senador Bong Revilla na sana’y tuluyan na siyang makalaya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.