MARAMING mga kababayan nating Pinoy ang gustong makarating sa Taiwan pero dahil kailangan dito ng visa ay hindi nila ito magawa-gawa.
Nag-offer ng visa-free ang gobyerno ng Taiwan noong 2017 at nagtapos na sana nitong June, 2018, pero dahil nakita nilang marami pang Pinoy ang gustong bumisita sa kanilang bansa ay muli nila itong in-extend hanggang July, 2019.
Naging word of mouth ang bansang Taiwan dahil mababait at very warm ang mga tao roon sa mga turista, enjoy mag-shopping, maraming lugar na puwedeng pagsyutingan at siyempre, masasarap ang pagkain.
Sa totoo lang, maraming Pinoy movies na ang kinunan sa Taiwan kabilang na ang pelikula nina Jericho Rosales at Jennylyn Mercado na “Walang Forever” (2015), sinundan ng “All Of You” starring Jennylyn and Derek Ramsay at ang pelikula nina Judy Ann Santos at Angelica Panganiban na “Dalawang Mrs. Reyes” (2018) na lahat ay ipinrodyus ng Quantum Films.
Ayon kay Atty. Joji Alonso kaya gustung-gusto niyang mag-shoot sa Taiwan dahil maayos kausap ang mga tao roon lalo na ang staff ng kanilang Department of Tourism bukod pa sa talagang masasarap ang mga pagkain at mura pa.
Isa lang ang kilalang vlogger/YouTube star na si Mikey Bustos sa mga na-in love sa ganda ng Taiwan, sa katunayan ibinahagi niya sa kanyang YouTube channel ang mga experience niya roon na may titulong “My New Crushie” na umabot na sa 13,000 views isang araw lang mula nang ito’y i-upload niya.
Pinanood namin ang nasabing video at talagang nakakaengganyong pumunta ng Taiwan, gusto rin naming matikman ang local food nila at ang iba’t ibang klase ng original milk tea na ginaya lang ng ibang Asian countries.
Ang music video ni Mikey na “My New Crushie” ang naging daan para kunin siyang brand ambassador ng Taiwan at ipinakilala nga sa entertainment press sa Fun Taipe 2018 nitong Martes, sa Ascott Hotel, Makati City.
Inamin ng Deputy Commissioner ng Taipe City’s Department of Information and Tourism Head na si Chen Yu-hsin na si Mikey ang unang foreign celebrity na inimbita nila para maging spokesperson. Nagpasalamat din si Miss Chen Yu-shin sa mga Pilipinong kasama parati ang
Taiwan/Taipe sa kanilang travel destination.
Ayon sa ehekutibo ng Turismo sa nasabing bansa ay umabot na sa 290,784 ang nakapunta ng Taiwan dahil sa kanilang visa-free program at nag-increase pa ng 68.59% ito kumpara noong 2016.
Ayon naman kay Mikey Bustos, hindi niya akalain na kukunin siyang ambassador ng Taiwan, “Gusto ko lang kasing mag-share ng videos na ginagawa ko, I don’t get paid for it, gusto ko lang gawin mahilig kasi akong pumunta kung saan-saan mostly Asian countries muna at siyempre para tikman ang mga pagkain na sa bansang iyon mo lang makikita.
“One of my favorite countries aside from Taiwan and of course Philippines was Palau Island. Have you been to Palau? Ang daming Pinoy doon and all the locals also look like us,” ani Mikey.
Ang Palau Island ay kasama sa Northern Marianas Islands kung saan matatagpuan din ang Guam at Saipan na halos kalahati ng populasyon ay mga Pinoy.
Hindi naman nagkamali ang Taiwan Department of Information and Tourism na kunin si Mikey dahil bukod sa pagiging vlogger/YouTube star at sikat na singer sa Canada ay sumikat din siya rito sa Pilipinas matapos maging bahagi ng Bubble Gang sa GMA noong 2012.
“Hindi ko po natagalan ang showbiz, hindi ko kaya ang shooting kasi mahabang oras. I also have my video shoot, so how can I do that at the same time. I think, showbiz is not for me,” paliwanag ni Mikey.
Samantala, bukas ay magkakaroon ng Fun Taipe promotional event sa Activity Center sa Glorietta 2 kung saan kakantahin ni Mikey ang “My New Crushie.”
Kasalukuyan namang isinasagawa ang Taipe City 2018 Travel Madness Expo sa SMX Convention Center, Pasay City. Para sa karagdagang impormasyon, tumawag sa Tourism Development Division, Department of Information and Tourism, Taipe City executive, Yihsuan Lee (+886227208889 ext 6902) at Hunglin Lin (ext 7562) o sa B99 Events Management (09175691363).