Nakilala ang mga nasawi bilang sina Regie Oliveros, 38; Edwin Dela Cruz, 63; Luis Nicolas Jr., 69; at Sonny Boy Castillo, 47, pawang mga residente ng Brgy. Sta. Maria, ayon sa ulat ng Bicol regional police.
Napag-alaman na nakipag-inuman ang apat at ilan pang residente kina Christian Naldo, taga-doon din sa Brgy. Sta. Maria, at isang Engr. Glenn Castillo, na mula pa umano sa Quezon City.
Dumating si Castillo sa Sitio Tubigan ng naturang barangay noong Hunyo 29 para ipakilala ang produkto na kung tawagi’y “re-mineralizing drops,” ayon sa ulat.
Kaugnay nito, nang araw ding iyo’y nagpainom sina Castillo at Naldo gamit ang alak na gawa ng una, at tumagal ang inuman hanggang alas-5:30 ng hapon.
Pero dakong alas-4 ng umaga noong Hulyo 1, natagpuan na lang na walang buhay si Oliveros sa labas ng kanyang bahay.
Dakong alas-11 ng gabi naman ng araw ding iyo’y itinakbo sa ospital si Dela Cruz dahil sa panlalabo ng paningin at sakit ng ulo, pero binawian ng buhay.
Kinabukasan, o dakong alas-10 ng umaga Hulyo 2, namatay naman si Nicolas, at nitong Miyerkules ng gabi naman ay binawian ng buhay si Sonny Boy Castillo.
Ipina-autopsy na ang bangkay ng mga nasawi at hiniling na ng lokal na pulisya sa Food and Drugs Administration na suriin ang mga natirang alak at kemikal na nakuha sa lugar kung saan nag-inuman ang mga residente.
MOST READ
LATEST STORIES