PAKINGGAN ang mga salitang ipinadala para hamakin ang Diyos na buhay. Iyan ang bahagi ng Pagninilay sa Unang Pagbasa sa Ebanghelyo (2 H 19:9-11, 14-21; Slm 48:2-4, 10-11; Mt 7:6, 12-14) sa Martes sa ika-12 linggo ng taon, sa kapistahan ni San Josemaria Escriva, tagapagtatag ng Opus Dei.
Nakalulungkot na ang Ebanghelyo (Unang Pagbasa sa ikalawang aklat ng mga Hari) ay nataon sa kapistahan ni San Josemaria Escriva, nagturo na ang lahat ay tinawag sa kabanalan ng Diyos (hindi na, dahil merong Digong) at tinawag ni Pope John Paul II na “among the great witnesses of Christianity” sa kanyang canonization noong 2002.
Hindi muna ako maghahayag ng pagsusuri kay Digong (stupid God) dahil mahalaga ang nakatakdang plenaryo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines sa Hulyo. Nakapagtataka na pinagdudahan ni Bishop Pablo David (Diocese of Caloocan), biblical scholar, ang katekista ni Digong na maaaring nagkamali ng turo sa bastos na pangulo.
Hindi malungkot ang Ama, taliwas sa sinabi ni Digong. Ang malungkot ay si Adan, kaya nilalang si Eva mula sa tadyang ng lalaki (doon pa lang, sablay na si Digong). “All of us are born with an original sin,” ani Digong. Sablay na naman. Ang mga isinilang na walang original sin ay sina Jesus, Maria at Juan Bautista, mga tao at katawang lupa.
Iniutos ni Digong na alisin na ang mga krus at krusipiho sa dingding. Takot si Digong sa krus at krusipiho. Ang demonyo ay takot sa krus at napatunayan yan sa linggu-linggong exorcism nina Fr. Jocis Syquia, Fr. Winston Cabading, Jing at Uwa, ng Archdiocese of Manila Office of Exorcism. Ang demonyo, na nagsasalita sa exorcism, ay maraming dahilan kung bakit pinaaalis niya ang krus.
Ang dahilan ni Digong ay nagpapaalala ang krus ng pagliligtas mula sa pagdurusa ni Jesus. Ayon kay Digong, ang krus ay nagpapaalala ng “sad thing about the killing of our God.” Kalimutan na raw ang sakripisyo ni Jesus at mag-move on na. Susme! Yan din ang sinabi ng demonyo sa ilang exorcism rites. Ginaya ni Digong ang demonyo.
Maraming dahilan ang demonyo para makaiwas sa krus, ayon kay Fr. Gabriele Amorth, SSP (may akda ng “God More Beautiful than the Devil” at “We Will be Judged by Love (The devil can do nothing against God’s mercy).” Ayon kay Amorth, “…evil is done because one rejects the truth of God.” Di ba’t maraming kademonyohan (isa na ang araw-araw na pagmumura kahit may mga bata) sa pamamahala ni Digong at mismong namumutawi sa kanyang mga labi?
Sa Pagninilay sa Mt 7:6, 12-14 sa kapistahan pa rin ni San Josemaria Escriva, malawak din ang daan patungo sa kapahamakan. Sa kapahamakang ito, hindi magagawang iligtas ni Digong ang kanyang sarili. Makipot nga ang daan tungo sa langit. At ang tunay na makipot ay ang pinto ng kanyang puso. Langit? Doon siya sa langit na may naghihintay na mahigit 70 virgins. Di iyan ang aking langit.
“Nandoon na ‘yung si Jesus, nakapako na. Hanggang ngayon, nakapako pa rin. Imbes kalimutan na natin ang sakripisyo niya, every year, ipaalala mo tuloy ‘yung kastigo niya,” ani Digong. Ha!?! Sa mga exorcism, ang nakapakong Jesus pa rin ang ginagamit. Hindi inaalis ng horror at evil movies ang crucified Christ. Si Digong, gusto niyang alisin. Eh, di wow!
Nakatikim na rin tayo ng pangulong Protestante. Sana’y makatikim din tayo ng pangulong Moro, INC, Mormon at atheist. Nakatikim na rin tayo ng pangulong demonyo, kaya naman tuwang-tuwa si Lucifer. Ani Santa Faustina sa kanyang Talaarawan 792, “When I am wrongfully accused of something, I will not explain myself.” Baka yan ang sasabihin ng mga obispo sa Hulyo.
UST (Usaping Senior sa Talakayan, Tabang, Guiguinto, Bulacan): Ang pinakamatanda sa talakayan ay isinilang noong 1939. Unanimous, mahal nila ang Intsik (China). Wala pa si Magallanes, meron nang mami, siopao, bihon, canton, miswa, goto, tokwa’t baboy, chopsuey, hopia, atbp.
PAGBABAHAGI sa Nilayan (Nilay-ugnayan sa Prenza 2, Marilao, Bulacan): Ang pagmamahalang 65 at 73 ay “discounted” na dahil senior sila. Sana’y di na-discount ang mga sakramento ng pananampalataya.
PANALANGIN: Panginoon, ipakita Mo ang iyong kapangyarihan. Ipakita Mo ang paggawad ng hustisya na naaayon sa Iyong kapasyahan. Amen.
MULA sa bayan (0916-5401958): Ipinangako ni Digong na bibigyan kami ng .22. Pero, .45 ang baril ko. Tanod, Campo Islam, Zambo City …9076