Magsulputan man ang magagaling na komedyante d’yan ay hindi pa rin mawawala sa puso ng mga Pinoy si Vice Ganda.
Bukod sa itinuturing na siyang icon ng mga becki, bukod sa magaling naman talaga siyang mag-host, ay marunong pa siyang tumanaw ng utang na loob.
Hindi siya nakalilimot sa lugar na kanyang pinagmulan, marunong siyang magpasalamat sa mga tumutulong sa kanyang career, mapagpahalaga rin si Vice sa kanyang mga supporters.
Maaaring hindi alam ng ating mga kababayan na nu’ng maupo siyang punong hurado sa katatapos lang na Miss Manila beauty pageant ay hindi siya naningil ng talent fee sa produksiyon. Ang isinuot lang niyang bonggang gown ang hiningi niyang pabor sa mga namamahala ng programa na sagutin na ng grupo.
Taga-Maynila kasi si Vice Ganda, siya ang sikat na si Tutoy sa kanilang komunidad, kahit sa kanyang mga interbyu ay hindi niya makakalimutang balikan ang masaya niyang kabataan sa Maynila.
Hanggang ngayon, na tumatakbo na nang ilang taon, ay regular pa rin siyang nagpapaluto ng agahan ng mga batang mag-aaral sa kanilang lugar. Hindi nga naman gagana nang maayos ang utak ng mga batang gutom kapag pumapasok.
Ganu’n si Vice Ganda, hindi niya kinalilimutan ang lugar na kanyang kinalakihan at palaging may espasyo sa kanyang puso ang payak niyang nakaraan, kaya patuloy siyang binibiyayaan ng kayamanan at kasikatan.