BUMALIKTAD na ang pork barrel scam whistleblower na si Marina Sula at binawi ang kanyang mga pahayag laban kay dating Sen. Ramon Bong Revilla Jr.
Sinabi ni Sula na sinabi sa kanya ng mga abugado ng prosekusyon kung ano ang kanyang mga sasabihin sa Sandiganbayan First Division.
Sa pagdinig kahapon, itinanggi rin ni Sula na nakipagpulong siya kay Revilla noong siya ay empleyado pa ng JLN Corp. Inamin naman ni Sula na siya ang may hawak ng mga papeles kaugnay ng Masaganang Ani Para sa Magsasaka Foundation, Inc. na isa sa mga non-government organization na nakatanggap ng pork barrel fund ni Revilla.
Itinuro ni Sula ang kapwa niya whistleblower na si Benhur Luy na nasa likod umano ng mga pekeng pirma sa endorsement letter ni Revilla.
“Si Benhur, siya yung mahusay pumira ng lawmakers at siya yung nakikita kong pumipirma para sa lawmakers. Wala pong alam si Senator Revilla sa paggawa po ng endorsement letters,” ani Sula.
Nang tanungin kung bakit binawi niya ang kanyang mga naunang pahayag, sinabi ni Sula na sinabihan siya ng prosekusyon noon na suportahan ang mga pahayag ni Luy.
“Ngayon lang po lumuwag ang loob ko. Noon kasi pigil na pigil lahat. Pero nung nabasa ko yung (transcript ng hearing), mayroon po siyang mga maling sinabi,” ani Sula.
Ikinatuwa naman ng kampo ni Revilla ang mga pahayag ni Sula.
Hindi naman nagulat si Deputy Special Prosecutor Manuel Soriano sa pagbaliktad ni Sula.
“May narinig na kami two days ago na she will recant her testimony pero we were hoping na magsasabi siya ng totoo,” ani Soriano.
Nananatili umano na malakas pa rin ang kanilang kaso lalo at sinabi ni Sula na ang dating chief of staff ni Revilla na si Richard Cambe ang pumipirma sa mga Memorandum of Agreement.
“Inamin naman niya na si Cambe ang pumipirma ng MOA di ba, eh si Cambe is a trusted staff ni Sen. Revilla, bat siya pipirma, may gagawin ba sa PDAF ang isang staff ng senator kung walang blessing ang senator?” tanong ni Soriano.