PSL namamayagpag

HINDI na sikreto ang mga nagbabanggaang puwersa sa Pinoy volleyball scene.
Nandiyan ang Philippine Superliga na nasa ilalim ng Larong Volleyball sa Pilipinas Inc, Premier Volleyball League at ang Philippine Volleyball Federation na kilala sa mga programang nakatuon sa mga batang manlalaro sa iba’t-ibang panig ng Pilipinas.
Sa aking pananaw ay mas nakakaangat ang PSL kung talento at kalidad ng laro ang pag-uusapan. Malinaw na ang mga manlalaro ng PSL (bagamat wala dito ang mga tulad nina Alyssa Valdez, Jia Morado, Iya Yongco at Myla Pablo) sa pangkalahatan ay angat sa kalidad kumpara sa PVL na karamihan ay mga manlalaro sa kolehiyo.
Tunay na bagay ang sinasabi ng ESPN 5 na ‘‘Iba ang Laro’’ sa PSL. Iyan din ang sabi ni Patricia Bermudez Hizon na siyang bossing ng isports sa ESPN TV5,
‘‘Astonishing at outstanding’’ ang mga laro sa PSL at hindi lang tungkol sa komersyo ang liga kundi nandito rin ang adhikain na tulungan ang pambansang koponan. May mga gagawing laro ang bagong tatag na pambansang koponan sa kasalukuyang Chooks to Go-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference.
Paborito sa Invitationals ang F2 Logistics, Petron at Foton. Kabilang din sa torneo ang Cignal, Sta. Lucia Realty, Generika-Ayala, Cocolife, Smart-Army, United Auctioneers-University of the Philippines (UA-UP) at Cherrylume-University of the East.
Suportado ng Isuzu, UCPB Gen at SOGO Hotel ang hatawan, samantalang broadcast partner ang ESPN5, Hyper HD at Aksyon TV. Senoh, Asics, Mikasa, Mueller at Grand Sport naman ang mga technical sponsor.
Nasa Foton sina Jaja Santiago, Dindin Santiago-Manabat, Bea de Leon, Shaya Adorador, Maika Ortiz, CJ Rosario at Gen Casugod. Pambato ng Petron sina Mika Reyes, Rhea Dimaculangan, Aiza Maizo-Pontillas, Frances Molina, Bernadeth Pons at Sisi Rondina.
Muli ay pambato ng F2 Logistics ang mga pambato ng De La Salle na sina Kianna Dy, Dawn Macandili, Majoy Baron, Kim Fajardo, Aby Marano, Cha Cruz-Behag, Ara Galang, Michelle Cobb, Desiree Cheng at Tin Tiamzon.
Aksidente ko ring nakausap ang beteranang si Mary Jean Balse ngayo’y Mrs. Pabayo na. Isa sia sa mga dahilan sa pagsikat ng volleyball sa Pinas.
Lumaro si Jean sa UST at dahil ‘‘hinahanap’’‘ niya ang volleyball ay patuloy pa rin ang paglalaro matapos manganak. Si Jean ang skipper ng Smart-Army at natitiyak kung maraming matututunan ang mga batang manlalaro kay Jean na ang naging kasabay sa UAAP ay ang alamat ng La Salle volleyball na si Manilla Santos.
Chairman ng PSL si Popoy Juico na siya ring hepe ng track and field sa buong Pilipinas.

UAAP-NCAA Press Corps korek kay Bolick

Hindi nagkamali ang Collegiate Press Corps sa pagpili nito kay Robert Bolick bilang Player of the Year.
Matagal ko ng sinasabi na si Bolick (bagamat itinatanggi ito ng San Beda star) ang susi sa pamamayagpag ng Red Lions sa NCAA.
Sa totoo lang, siya sana ay malinaw na MVP sa nakaraang San Beda-Lyceum title series ngunit dahil sa hindi maipaliwanag na dahilan ay hindi siya nagwagi.
Ngunit ang lahat ng mga pagkakamali ay maaaring ituwid at pinatunayan ng mga kasapi ng UAAP-NCAA Press Corps na sila ay walang pinapaboran at pantay ang kailangang mga desisyon matapos piliin si Bolick.
Noong ako ay pangulo ng UAAP Press Corps ay ilang beses rin naming ‘‘kinontra’’ ang mga pinili ng mga opisyales ng liga at ibigay ang mga parangal sa mga mas karapatdapat at hindi lang statistics ang batayan kundi ang tunay na halaga ng isang manlalaro sa tagumpay ng koponan.
Isa pa ay mas nakikita ng mga isportsrayter ang husay ng isang manlalaro sapagkat mayroon silang ‘‘frontseat’’ sa araw-araw na bakbakan sa court. Sila ang dapat humusga hindi ang mga kasapi ng board at ilang pang usisero na bihira lamang manood ng mga laro.
Mabuhay ang Collegiate Press Corps! Tagay na Cedelf Tupas, Reuben Terrado, Randolph Leongson, Christian Jacinto, Norman Riego, Ramon Bonilla at sa lahat ng magigiting na kasapi ng samahan.

Read more...