Oplan Tambay uuriratin ng Kamara, Senado
KAPWA naghain ng resolusyon ang Kamara at Senado para imbestigahan ang Oplan Tambay ng kapulisan.
Ayon sa House Resolution 1969, mayroong mga ulat na nalalabag ang karapatang pantao ng mga hinuhuli ng mga pulis at nakukuwestyon din ang batayan nito sa batas dahil ipinawalang-bisa na ang Korte Suprema ang bagansya.
“Whereas, President Duterte’s verbal order to arrest vagrants, ‘tambays’ or idle individuals opens a floodgate of abuses especially in the midst of unresolved cases of police brutality and extrajudicial killings in poor communities,” saad ng resolusyon.
Kasama sa inihaing resolusyon ang pag-aresto kay Matt Dimaranan noong Hunyo 17 na napagkamalang tambay. Nang tanungin kung bakit sila ikinulong ang sabi sa kanila ng pulis ay ang anti-tambay speech ni Pangulong Duterte.
Ang sabi umano ng pulis sa kanya, ‘Basta sabi ng pangulo, batas agad yun’.
Binanggit din ang kaso ni Genesis Argoncillo, ng Novaliches, Quezon City, na hinuli sa kampanya. Namatay si Argoncillo matapos umanong bugbugin ng kanyang mga kapwa preso.
Sa Senado, nais paimbestigahan ni Senador Bam Aquino ang patakaran ng pamahalaan laban sa tambay at ang pagkamatay ni Argoncillo.
Sa kanyang resolusyon na tinawag ni Aquino ang kampanya laban sa tambay bilang anti-poor kasabay ng paghiling sa Committee on Public Order and Dangerous Drugs, na pinamumunuan ni Sen. Panfilo Lacson, na imbestigahan ang nasabing insidente upang maprotektahan ang mga ordinaryong Pilipino laban sa pang-aabuso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.