Sa pocket presscon ng pelikulang “The Write Moment” nina Valeen Montenegro at Jerald Napoles ay hiningan namin ang producer/director na si Perci Intalan ng komento tungkol sa payo ni Manay Ichu Maceda na lumaki sa industriya (mula sa pamilya ng may-ari ng Sampaguita Pictures) sa mga baguhang filmmaker na gumawa ng pelikulang maraming nakakaintindi.
Ani ni Manay Ichu, “Remember that aside from being an art form, this is basically a business, so you have to at least break even so you can recover your investment and produce the second film. Para que pa kayo magpo-produce kung kayo lang ang nakakaintindi, wala namang manonood?”
Honestly, philosophy namin ni Jun (Lana), to each its own cinema. May mga pelikula kasi na kahit filmmaker ako hindi ko talaga papanoorin dahil hindi ko type!” sagot ni Direk Perci.
“Sasabihin ko talaga na hindi ko type kasi may pagkamasa ako. Pag hindi ako na-entertain hindi ko siya type. Hindi ako puwedeng completely art.
“May ibang filmmaker na hindi ko naman maipagkakait sa kanila kung anong gusto nilang gawing pelikula since nakakahanap naman sila ng funding para sa mga ginagawa nila, e, di why not?
“Naging malapit din ako kay Manay Ichu siguro dahil pareho kaming producer, ini-echo ko rin ‘yung sinasabi niya. Iyon din naman ang sinasabi namin sa mga filmmakers namin na, ‘you know at the end of the day, kailangan mauy audience sa sinehan. Ang lungkot ng walang tao sa sinehan kahit na libre pa, sana may manood,” aniya pa.
“Puwede ka namang maging artistic kung nararamdaman ng audience. Kahit nakababad ang kamera mo, sana nararamdaman naman ng audience ang eksena mo okay lang ‘yan.
“Ang daming artistic nating pelikula like ‘Himala’ (ni Nora Aunor), mga eksena ro’n na bata pa ako napapanood ko na at kahit hindi ko naiintindihan kung ano ang ginagawa ni ate Guy, pero naramdaman ko siya, naramdaman ko ‘yung istorya niya at papanoorin ko siya ulit. So posible namang mangyari ang mga art film,” paliwanag pa ng direktor-producer.
Ang pinaka-artistic movie na ginawa raw ng IdeaFirst ay ang, “Anino sa Likod ng Buwan” ni LJ Reyes na one-shot lang pero naramdaman naman ng lahat. Pero hindi ito wide released, pinalabas lang namin sa pitong sinehan.”
Diretsong tanong namin kay direk Perci kung type niyang gumawa rin ng apat na oras na pelikula tulad ng mga obra ni Lav Diaz, “Hindi ko sinasabing hindi namin gagawin kasi baka may opportunity din, pero hindi siya natural for me o kay Jun,” pag-amin sa amin ng direktor.
Anyway, muling ipalalabas ng IdeaFirst Company in cooperation with Viva Films at CMB Films ang “The Write Moment” sa Hunyo 27 mula sa direksyon ni Dominic Lim. Naging entry ito last year sa QCinema.