AWA ang naramdaman namin sa baguhang aktres. Kaya pala halos naiyak siya nang mapasama sa isang serye ay dahil gusto niyang bigyan ng magandang buhay ang kuya at nanay niyang OFW.
Naikuwento ng nasakyan naming Grab driver na personal niyang kilala ang baguhang aktres dahil may common friend sila at nakapunta na siya sa dating bahay nito sa Quezon City.
“Nu’ng napuntahan ko, hindi ako makapaniwala na nagkasya sila sa maliit na tirahan. Tatlo silang nakatira, sobrang liit hindi ko maisip paano sila nagkasya,” sabi ng driver sa amin.
Kaya nang magkaroon ng kinikita ngayon ang dalaga ay lumipat na raw sila sa bagong tirahan na maginhawa na kasama ang nanay at kuya nito.
Abut-abot ang pasalamat ng baguhang aktres sa network na nagbigay sa kanya ng project pati na rin ang TV executive na pumili sa kanya para mapasama sa seryeng kasalukuyang umeere ngayon.
Kaya kahit na naiiyak na sa pagod ang aktres dahil nga magdamagan ang taping ay okay lang dahil gusto niyang makapag-ipon para sa pamilya niya.
Maganda naman ang review sa performance ng baguhang aktres kaya deserved din niyang makilala at umasenso. Sana lang huwag lumaki ang ulo at ng mga taong nasa paligid niya.