APAT katao ang inaresto sa buybust operation ng pulisya sa Quezon City kagabi kung saan nakumpiska ang tinatayang P2 milyong halaga ng shabu.
Kinilala ang mga naaresto na sina Jayson Lagumbay, ang umano’y supplier ng maraming pusher sa Metro Manila, Jorge Golfo, driver, at dalawang menor de edad.
Nahuli ang apat sa Brgy. Pansol at narekober sa kanila isang kalibre .22 revolver at dalawang kalibre .45 pistola.
Isang poseur buyer ang nakabili ng P630,000 halaga ng shabu sa mga suspek pero ang street value nito ay P2 milyon.
Ayon sa pulisya, si Lagumbay ang nagsusuplay ng shabu sa dalawang pusher na nahuli sa Pasig City.
Dati na umanong naaresto si Lagumbay dahil sa ipinagbabawal na gamot samantalang si Golfo ay may kinakaharap na dalawang kaso ng homicide at frustrated homicide. Sinabi ni Golfo na isa lamang siyang family driver.
Isa naman sa mga menor de edad na nahuli ay nasangkot na sa riot sa Caloocan City noong nakaraang buwan.