ISINUMITE ng Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) ang kabuuang bilang na 18 atleta sa Philippine Olympic Committee (POC) Task Force para aprubahan at maging representante ng bansa sa paglahok nito sa 18th Asian Games sa Agosto 18-Setyembre 2 sa Jakarta at Palembang, Indonesia.
Ang 18-kataong athletics team ay mas marami ng 10 miyembro kumpara sa orihinal na bilang na una nitong ibinigay na walo katao na nakapasa sa itinakdang criteria ng POC para makalahok sa Asiad.
Inirekomenda ng Patafa ang dagdag na 10 pang atleta kasama ang paliwanag na kaya nitong magwagi ng medalya sa Asian Games base sa kanilang personal best performance.
Ang orihinal na walong manlalaro ay nakapasa o seeded base sa nakamit na ginto o pilak noong nakaraang taon sa Kuala Lumpur Southeast Asian Games o base sa kanilang itinalang record na katapat ang ikalima sa buong rehiyon ng Asia.
Ang walong atleta ay sina Eric Cray sa men’s 400m hurdles, Trenten Anthony Beram sa men’s 200 at 400m sprints at relay, si Marestella Torres-Sunang sa women’s long jump, Aries Toledo sa decathlon, Harry Diones sa men’s triple jump, Mary Joy Tabal sa women’s marathon at Marco Vilog sa men’s 800m run.
Ang iba pang inirekomenda para idagdag sa delegasyon ay ang mga Fil-American na sina Natalie Uy sa women’s pole vault, Cristina Knot sa 100m dash at Lily Carter sa women’s 800m run.
Kasama rin dito sina Janrey Ubas sa men’s long jump, Jomar Udtohan at Anfernee Lopena sa men’s 4x100m relay, Francis Medina sa men’s 400m hurdles, Clinton Kingsley Bautista sa 110m hurdles at sina Edgardo Alejan at Michael Del Prado sa 4x400m relay.
Nakatakda naman sumabak ang Asian Games-bound athletics team sa Korean Open sa susunod na linggo bago ito dumiretso sa Vietnam Open sa unang linggo ng Hulyo.
Itinakda ng Indonesia Asian Games Organizing Committee (INASGOC) ang Hunyo 15 bilang deadline para isumite ang athletes and coaches final list by names habang rerepasuhin pa ito ng POC sa pangunguna ni chef de mission Richard Gomez at deputy nito na sina Robert Bachmann at Manny Cabili.
Ang final list ay irerekomenda para sa POC Board approval ni CDM Gomez bago ito ipasa sa Hunyo 30 na deadline for submission sa INASGOC at ipapakita sa POC General Assembly sa Hulyo 4.