Halos 3,000 ‘tambay’ dakip -PNP

UMABOT na sa 2,981 katao ang nadakip sa Metro Manila mula nang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagdampot sa mga “istambay,” ayon kay National Police chief Dir. Gen. Oscar Albayalde.

Pero ayon sa PNP chief, hindi dinakip ang mga naturang tao dahil sa pagiging “istambay” lamang, kundi dahil sa ordinansang kanilang nalabag.

“If you will notice, wala ngang nahuli because of vagrancy. Ang hinuli dito because of smoking in public, illegal vendors, half-naked in public, drinking in public places or streets, urinating in public places, illegal barkers, littering, breach of peace, obstruction, riding in tandem, traffic code violations, and concealment of deadly weapons,” ani Albayalde.

Ayon kay Albayalde, wala nang dinadakip basta-basta na istambay dahil “decriminalized,” o hindi na krimen, ang vagrancy mula pa noong 2012.

“Wala na tayong hinuhuli because of bagansya,” aniya.

Kaugnay nito, inihayag ng PNP chief na naglabas siya ng mga direktiba tungkol sa pagdakip sa mga lumalabag sa ordinansa, dahil may mga natatanggap siyang reklamo tungkol sa diumano’y basta-basta na lang na pagdampot.

Pinapawalan naman aniya yaong mga taong “nasasama” lang sa maramihang pagdakip, gaya ng sa mga nahuling naninigarilyo sa publiko, kapag nakapagpaliwanag na ang mga ito.

“Hindi naman ‘yan porke nahuli ka ay ide-demanda or ikukulong ka na. Of course they will have to explain, why you are in that area during that time na nag-ooperate ‘yung ating mga pulis,” anang PNP chief.

Read more...