Meralco Bolts pinutol ang winning streak ng Alaska Aces
Mga Laro sa Miyerkules
(Araneta Coliseum)
4:30 p.m. Phoenix vs GlobalPort
7 p.m. Columbian vs Barangay Ginebra
NAKISALO sa pinag-aagawang ikalawang puwesto ang Meralco Bolts matapos nitong putulin ang pinakamahabang winning streak sa kumperensiya na itinala ng Alaska Aces sa paghugot ng 89-74 panalo sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup elimination round game Linggo sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Mainit ang naging pagsisimula ng Bolts upang diktahan ang takbo ng laro sa first half bago nagliyab sa ikatlong yugto kung saan inihulog nito ang kabuuang 32 puntos upang kumawala sa labanan at palawigin ang kanilang winning streak sa apat na sunod na panalo para umangat sa kabuuang 7-2 panalo-talong kartada.
Nagawang limitahan ng Bolts sa 17 puntos lamang sa ikatlong yugto ang Aces kung saan mula sa 41-40 abante sa pagsisimula ng second half ay nagawa nitong itala ang 16 puntos na kalamangan, 73-57, bago palobohin ito sa 19 puntos sa ikaapat na yugto, 84-65, upang manatili sa labanan para sa isa sa dalawang awtomatikong silya sa semifinals.
Nagtangka ang Aces na pahabain ang naputol nitong pitong sunod na pagwawagi sa paghulog ng walong sunod na puntos sa pagsisimula ng ikaapat na yugto sa 65-73 iskor subalit hindi nagawang mapigilan ang Bolts upang malasap ang ikalawa lamang nitong kabiguan sa siyam na laro.
Isang 4-point play ni Baser Amer ang nagpasimula sa 11-0 bomba ng Bolts upang ilayo muli ang laban sa 84-65 bago na tuluyang prinotektahan ng Meralco ang kanilang kalamangan para tuluyang iuwi ang panalo.
Pinangunahan ni Chris Newsome ang Bolts sa itinala nitong 18 puntos, 8 rebound, 1 assist at 2 block habang tumulong sina Jared Dillinger at Baser Amer na may tig-17 puntos.
Nag-ambag naman si Arinze Onuaku ng 14 puntos, 23 rebound at 4 assist para sa Meralco.
Nagdagdag din si KG Canaleta ng 11 puntos, 3 rebound at 1 assist habang si Ranidel de Ocampo ay nagtala ng 10 puntos at 4 rebound.
Inihulog ng Bolts ang kabuuang 14 3-pointers sa ibinato na 33 tangka upang biguan ang Aces.
Gumawa si Tony Campbell ng 25 puntos at 14 rebound para pamunuan ang Alaska habang si Vic Manuel ay nagdagdag ng 22 puntos, ang kanyang ikawalong diretsong 20 puntos na laro, at walong rebound.
Nag-ambag si Chris Banchero ng 13 puntos para sa Aces.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.