Pampaswerte: Kris may ‘pa-Christmas in June’ sa presscon ng ‘I Love You, Hater’
NAKAKA-EXCITE dumalo sa presscon ng pelikulang “I Love You, Hater” ngayong gabi sa Dolphy Theater.
Nabalitaan kasi namin na magpapa-raffle ng bonggang-bongga ang lead star nitong si Kris Aquino para pampasuwerte sa kanilang pelikula bukod pa sa excited din siya sa muli niyang pagtuntong sa Dolphy Theater ng ABS-CBN.
Sitsit sa amin ng isang ka-close ng social media influencer, “Christmas in June” ang terminong ginamit sa kanya ni Kris para umuwing masaya ang lahat ng dadalo sa presscon ng “I Love You, Hater.”
Hindi ba bossing Ervin ganito rin ang naramdaman ng household staff ni Kris nu’ng ibigay na agad sa kanila ang 13th month pay nitong nakaraang linggo?
Sa madaling salita, may continuation ang pamimigay ng pampabuenas ni Kris at sana nga ay walang uuwing luhaan mamayang gabi para damang-dama ang sinasabing “Christmas in June.”
Mamahagi rin kaya ang co-stars ni Kris sa movie na sina Joshua Garcia at Julia Barreto ng pampasuwerte para kumita ng malaki ang “I Love You, Hater?”
Anyway, hindi dapat kabahan ang tambalang JoshLia sa bago nilang pelikula dahil matagal na itong i-naabangan ng lahat at sigurado kaming susuportahan ito ng mga Pinoy moviegoers.
Mapapanood na ang “I Love You Hater” sa Hulyo 11 mula sa Star Cinema na idinirek naman ni Giselle Andres.
q q q
Sa gaganaping 21st Shanghai International Film Festival (SIFF) sa China simula Hunyo 16-25, 2018 ay limang pelikulang Pinoy ang babandera: nandiyan ang “Respeto,” “Nervous Translation,” “Smal-ler and Smaller Circles,” “I’m Drunk, I Love You” at “Neomanila”.
Ang SIFF ay isa sa pinakamalaking festival sa Asya kung saan itinanghal na rin ang ilang Filipino movies, dito rin nakamit ng Pilipinas ang pinakamataas na award na Golden Goblet para sa pelikulang “Pauwi Na” ni direk Paolo Villaluna.
Sa Asian New Talent ay ang mga pelikulang “Respeto” at “Nervous Translation” ang magtutunggali. Ang mga pelikulang nabanggit ay nakakuha ng nominasyon sa mga sumusunod na kategorya:
Best Cinematographer – Dennese Victoria, Jippy Pascua ng Nervous Translation; Best Scriptwriter, Shireen Seno – Nervous Translation; Best Director, Treb Monteras II – Respeto; Best Actor, Abra – Respeto at Best Actress, Jana Agoncillo – Nervous Translation.
Sa Panorama Section, ang “Smaller and Smaller Circles” ni Raya Martin at “I’m Drunk, I Love You” ni JP Habac ang ipapalabas. Si Raya Martin ay miyembro din ng Jury para sa Asian New Talent ngayong taon.
Kabilang ang pelikulang “Neomanila” ni Mikhail Red sa mga tampok na obra sa The Belt and Road Film Week.
Ayon kay FDCP Chairperson at CEO na si Liza Dino, “It’s always thrilling to learn that these films continue to go around the world as proudly showcased in international film festivals. We wish our Filipino films the best of luck in SIFF.”
Si Chairperson Dino mismo ay makikilahok sa SIFF bilang speaker sa High Level Forum on the Cultural and Economic Importance of Film and the Role of Copyright na hosted ng World IP Organization mula Hunyo 19 hanggang 20.
Ang QCinema Festival Director na si Ed Lejano ay bahagi naman ng The Belt and Road Summit upang talakayin ang pagpapabuti ng kooperasyon sa pamamagitan ng festival programming.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.