DA who itong tagapagsalita ni Pangulong Aquino na ang hilig-hilig talagang magtaray.
Kasi ba naman, may tinarayang bagitong reporter na bago rin na nagku-cover sa Malacañang. At sa briefing pa nagtaray. Madalang na ngang magpa-briefing ang opisyal na ito ay nakukuha pang umeksena nang ganito. Sa isang linggo, swerte na kung dalawang beses siyang humarap sa media.
Nitong nakaraang araw, magalang siyang tinanong ng isang baguhang miyembro ng media hinggil sa isang batas. Imbes na sagutin, pataray na ibinalik ng opisyal ang tanong kung binasa ba ng reporter ang probisyon ng bagong batas. Magalang namang sumagot ang reporter ng “opo” ngunit humirit pa ang opisyal na kung binasa niya ito makikita niya ang probisyon hinggil sa itinatanong ng reporter.
Ang siste, bandang huli ay sinagot din naman ng opisyal ang tanong ng bagitong reporter. Eh, sasagutin rin naman pala, bakit kailangan pang tarayan at ipahiya ang batang reporter? Feeling magaling! Dapat kasi alam nitong si spokesman na hindi mga abogado ang mga reporter. Kadalasan, kahit alam na ng mamamahayag ang isasagot ng mga opisyal ng Malacañang sa isang isyu, matyaga pa rin nilang kinukuha ang reaksyon ng Palasyo para higit na maging malinaw naman ang ihahatid na balita sa taumbayan.
Ang hirap kasi kailangan pang magmagaling sa harap ng media. Oo na, magaling ka na!
Iba naman ang drama ng isa pang tagapagsalita ni PNoy. Makalipas ang mahigit tatlong taon, imbes na pagbutihan ang trabaho nito dahil sa dami ng reklamo ng mga miyembro ng media na hindi niya ginagampanan nang maayos, may naisip na kakaibang gimik ang opisyal.
Idinaan ba naman sa libreng pameryenda tuwing Miyerkules ang kanyang kakulangan sa pagtatrabaho. Nagulat ang mga miyembro ng media nang sabihin na regular nang magpapameryenda ang opisyal tuwing Miyerkules. May kondisyon lamang na ibinigay ang opisyal na tuwing Miyerkules lamang pwede ang meryenda at hindi sa ibang araw. May pagkakataon kasi noong nakaraan na kapag hindi nakakapagbriefing ang opisyal o palpak ang naging briefing ng mga tagapagsalita ng Malacañang o kaya naman ay walang briefing na magaganap sa araw na iyon, idinadaan ng naturang tagapagsalita sa pagpapadala ng pagkain.
Dapat malaman ng opisyal na ito na istorya ang importante sa mga mamamahayag at hindi ang pameryenda nito. Hindi mapupunuan ng meryenda ang kabiguan ng mga tagapagsalita ng Malacañang na gawin ng maayos ang kanilang trabaho.
Noong nakaraang linggo ay tinalakay natin ang ilang reklamo ng
ating mga readers na pawang mananaya sa lotto. Ang reklamo nila na masyadong mahal na raw ang tiket ng lotto pero, ‘yung winning pot di naman tumataas, especially ‘yung consolation prizes.
Sinagot ng PCSO ang mga reklamo matapos nitong itaas ang presyo ng lotto nito sa P20 mula sa dating P10.
Sa ngalan ng patas na pamamahayag, nais kong banggitin ang naging pahayag ng PCSO hinggil dito. Ayon sa PCSO, dinoble nito ang minimum jackpot para sa 6/42 Lotto sa P6 na milyon at 6/45 MegaLotto sa P9 na milyon simula noong Mayo 17.
Ayon sa PCSO, layunin ng pagtataas ng presyo ng lotto na mapataas ang pondo para sa Charity Fund para dumami pa ang matulungan nitong kapuspalad at makapagbigay ng mas magandang serbisyo sa buong bansa.
Idinagdag ng PCSO na sa bawat piso na kita nito, 55 sentimo ay napupunta para sa papremyo, 15 sentimo para sa operasyon ng ahensiya at 30 sentimo para sa Charity Fund.
(Editor: Para sa komento, reaksyon o reklamo, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374)