Grab driver nanindigan sa akusasyon kay Diego, tuloy ang kaso
Sangkot ngayon ang pangalan ni Diego Loyzaga sa pakikipag-away sa isang Grab driver. May kani-kanyang bersiyon sila ng kuwento, idinepensa na ni Teresa Loyzaga ang kanyang binata, itutuloy raw naman ng driver ang kaso laban kay Diego.
Malaking abala kay Diego ang asuntong isasampa laban sa kanya, pero mas malaking abala ‘yun sa driver, dahil sa paghahabol nito ng kikitain sa maghapon.
Dahil sa napakagandang imbitasyon-promo ng mga kapitalista ng ganu’ng linya ay maraming kababayan natin ang pumapasok sa magandang kapalaran na iniisip nilang naghihintay sa kanila.
Pero maraming nabibigo. May mga nagtatrabaho sa opisina na bumili ng kanilang sasakyan nang hulugan, umaasa silang gisa sa mantika ang panghulog nila sa pambiyaheng kotse, pero sumasablay naman sila. Hindi pala totoo ang kuwentong naririnig nila na libo ang kanilang kikitain sa maghapon.
Habol sila nang habol sa oras, karamihan sa kanila ay kumakain na lang ng nilagang saging na saba at itlog, dahil kung paparada pa sila sa isang karihan ay malaking oras ang mawawala sa kanila. Meron ding driver na gumagamit na lang ng diaper. Hindi na kasi nila makuhang huminto para makidyinggel sa kung saan dahil may quota pa silang hinahabol.
Maraming kuwento tungkol sa mga Grab drivers, meron pa ngang ipinagpalit ang maganda niyang trabaho sa ibang bansa, ang naiuwi niyang pera ay ipinang-downpayment niya sa sasakyang maipampapasada niya. Pero sising-alipin ang ating kababayan dahil hindi naman pala totoong mairaraos niya ang panghulog sa sasakyan mula sa kanyang kikitain sa pagbiyahe.
Wala na nga silang panahon para sa kanilang pamilya dahil sa kahahabol sa kanilang quota, pero ang pinakamasaklap pa ay nagkakasakit sila dahil sa stress at paghahabol ng oras, nakakaawang mga Grab drivers.
Habang patuloy na yumayaman ang kanilang kapitalista ay matinding sakripisyo naman ang pinagdadaanan nila at ‘yun ay dahil sa napakagandang imbitasyon-promo na sa pamamagitan ng pinasok nilang opisyo ay magbabago ang kabuhayan nila.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.