ISASAULI ng mister ni Anne Curtis na si Erwan Heussaff ang tinanggap na talent fee mula sa Buhay Carinderia project ng Tourism And Promotions Board ng Department of Tourism na pinamumunuan noon ni Cesar Montano.
Ayon sa report ng ABS-CBN, sinabi ni Secretary of Tourism Bernadette Romulo-Puyat na bahagi pa rin ng mga bagong proyekto ng DOT si Erwan at handa rin nitong ibalik ang humigit kumulang isang milyong pisong talent fee na ibinayad sa kanya ng TPB bilang ambassador ng Buhay Carinderia project.
Kamakailan ay kinansela ng DOT ang nasabing proyekto sa ilalim ng pamunuan ni former TPB head Cesar Montano dahil hindi nga itoo dumaan sa tamang bidding.
Sinabi pa ni Puyat na naniniwala siyang nais lamang maging bahagi ni Erwan ng mga magagandang proyekto ng DOT, “Malinis yan, hindi yan mukhang pera. Gusto lang niya talagang tumulong sa bayan.”
Ibinandera rin ni Sec. Puyat na may ilang celebrities na siyang nakausap na handang tumulong sa mga project ng DOT nang walang bayad, “Nangako na sa akin sina Aga Muhlach, Sharon Cuneta, Armi Millari of Up Dharma Down, Rico Blanco, Apl.d.ap. They’ve already signified that they want to help the Department of Tourism, the country for free, walang bayad.”