Pulis pinatay sa NAPOLCOM

NASAWI ang isang pulis nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin matapos dumalo sa hearing sa tanggapan ng National Police Commission (NAPOLCOM) sa Makati City, Huwebes ng hapon.

Agad ikinasawi ni PO2 Teejay Valdez, nakatalaga sa Marikina City Police, ang tama ng bala sa ulo, sabi ni Dir. Guillermo Eleazar, hepe ng National Capital Region Police Office.

Naganap ang pamamaril sa parking area ng NAPOLCOM compound na nasa Jupiter st., dakong alas-3.

Naglalakad si Valdez patungo sa kanyang sasakyan nang lapitan at barilin nang tatlong beses ng isang taong nakasuot ng itim na jacket at sumbrero, ani Eleazar, gamit bilang basehan ang ulat ng Southern Police District.

Bago ito, dumalo si Valdez sa hearing ng kasong administratibo na isinampa laban sa kanya.

Isinampa ang kaso kaugnay ng tatlong bilang ng grave misconduct sa isang insidente ng pamamaril noong nakatalaga pa si Valdez sa Eastwood Police Station ng Quezon City Police District, may dalawang taon na ang nakaraan, ayon sa ulat ng SPD.

Kumakalap na ng lokal na pulisya ng mga CCTV footage, saksi, at ebidensiya na maaaring makatulong sa pagtukoy sa bumaril kay Valdez, ani Eleazar.

Read more...