Mga Laro Biyernes, Hunyo 15
(Mall of Asia Arena)
4:30 p.m. Meralco vs Blackwater
7 p.m. NLEX vs Alaska
BINALEWALA ng GlobalPort Batang Pier ang pagkakapatalsik ng import nito na si Malcolm White sa huling walong minuto ng laro upang biguin ang nagtatanggol na kampeong San Miguel Beermen sa pagtala ng 98-94 panalo sa kanilang 2018 PBA Commissioner’s Cup game Miyerkules sa Mall of Asia Arena.
Naghabol sa kabuuan ng laro ang Batang Pier na napag-iwanan pa sa 12 puntos sa ikatlong yugto sa 60-72 bago na lamang nito nagawang makumpleto sa huling dalawang minuto ang pag-ahon upang agawin ang panalo kontra Beermen para iangat ang kartada nito sa 4-4.
Una munang napatalsik sa laro si White, may 8:09 minuto pa sa laro, matapos nitong blangkahin ang tangka ni San Miguel Beer import Renaldo Balkman at matamaan sa mukha habang tabla ang iskor sa 86-all.
Naging hamon naman ito sa GlobalPort na naglaro na puro lokal ang miyembro matapos na ipalasap ni Mo Tautuaa ang unang abante sa laro sa 88-86, may 3:12, bago dalawang beses na nagtabla ang laro tungo sa huling dalawang minuto na ang huli ay sa 92-all.
Isang tres ni Juan Nicolas Elorde ang bumasag sa pagtatabla at nagbigay ng tatlong puntos na abante sa GlobalPort sa natitirang 48.1 segundo na naging sandigan ng koponan upang pigilan ang dalawang sunod na kabiguan habang napanatili rin nito ang tsansa para sa kailangang walong koponan sa quarterfinals.
Huling lumapit ang Beermen sa dalawang free throw ni Balkman sa 94-95 bago na lamang ang dalawang sunod nitong turnover na una ay matapos itong maagawan sa halfcourt na nagtulak sa layup ni Tautuaa para sa 94-97 iskor at mawalan ng bola sa huling 16.2 segundo ng laro para maputol ang tatlong sunod nitong pagwawagi at mahulog sa 3-4 panalo-talong kartada.
Tuluyang sinelyuhan ni Elorde ang laro sa pagpasok sa isa sa dalawa nitong free throw para sa kabuung 27 puntos ng Batang Pier sa ikaapat na yugto habang nalimitahan nito ang Beermen sa 15 lamang.
Pinamunuan ni White ang Batang Pier sa kinolekta nitong 25 puntos at 10 rebound habang nag-ambag si Stanley Pringle, na galing sa paglalaro sa FIBA 3×3 World Cup, sa itinalang 22 puntos, 6 rebound at 8 assist.
Tumulong din si Sean Anthony na may 11 puntos, 9 rebound at 5 assist habang si Elorde ay may anim na puntos, 7 rebound at 5 assist.