Karamihan sa naturang kontrabando, o P163 milyon halaga ng shabu, ay nasamsam sa magkasunod na operasyon sa Caloocan City at Sta. Ana, Manila, ayon kay Interior and Local Government Sec. Eduardo Año.
Sa unang operasyon, nadakip sina Luzviminda Basilio at Jocelyn Santos nang bentahan nila ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer.
Isinagawa ang “transaksyon” sa loob ng isang kotseng nakaparada sa tapat ng Manila Central University sa Brgy. 81, Caloocan, dakong alas-5:45 ng hapon.
Nakumpiska kina Basilio at Santos ang P3,000 buy-bust money at 20 gramo o P136,000 halaga ng shabu, ayon sa ulat ng Northern Police District.
Ikinanta ng dalawa sa mga pulis na ang kanilang “source” ay nasa Sta. Ana, Manila, kaya matapos iyo’y naglunsad ng follow-up operation.
Sa follow-up, naaresto ang mag-inang Ian Akira, 26, at Ruby Calabio, 61, sa Interior 21 Pasig Line, Brgy. 778, Zone 85, Sta. Ana, martes ng hatinggabi.
Nakabili ang mga operatiba sa kanila ng tatlong sachet na may tig-5 gramo ng shabu, at nakuhaan pa sila ng kulay pilak na maletang may tinatayang 24 kilo ng shabu, ayon sa NPD.
Narekober din sa mga Calabio ang P30,000 buy-bust money.
Kaugnay nito, noon ding Martes ng gabi ay nasabat ng mga pulis at miyembro ng Philippine Drug Enforcement Agency ang P1.19 milyon halaga ng shabu sa buy-bust operation sa Noveleta, Cavite.
Isinagawa ang operasyon sa bahagi ng Cavite-Manila Road na sakop ng Brgy. Pulo, pasado alas-8, ayon sa ulat ng Calabarzon regional police.
Dinampot sina Billy Joe Dela Cruz, Dave Patrick Manlosa, Rogie Santos, Philip Angue, at Karl Villarde nang bentahan nila ng iligal na droga ang isang police asset.
Umabot sa 175 gramo ng shabu ang nakumpiska sa mga suspek, at kinumpiska rin ng mga operatiba ang ginamit nilang Honda CRV (NHQ-540).