Walo ang na-relieve sa Palawan, partikular na sa mga bayan ng Aborlan, Agutaya, Balabac, Bataraza, Brooke’s Point, Culion, Linapacan, at Quezon, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng regional police.
Sinundan ito ng limang nasibak sa mga bayan ng Looc, Lubang, Calintaan, Paluan, at Abra de Ilog ng Occidental Mindoro; lima rin sa Alcantara, Calatrava, San Agustin, Sta Fe, at Ferrol ng Romblon;
Apat sa Bongabong, Bulalacao, San Teodoro, at Mansalay ng Oriental Mindoro; isa sa bayan ng Sta. Cruz, Marinduque; at ang commander ng Irawan Police Station sa Puerto Princesa City.
Nilipat sa Romblon at Palawan ang mga nasibak sa Occidental Mindoro, habang yaong mga nasibak sa Oriental Mindoro ay ipinadala sa Romblon, Marinduque, at Puerto Princesa, sabi ni Tolentino sa Bandera.
Ang mga tinanggal sa tungkulin sa Palawan ay inilipat sa Mindoro at ang mga nasibak sa Romblon ay ipinadala lahat sa Palawan.
Ipinadala sa Palawan ang na-relieve sa Marinduque, at ang nasibak sa Puerto Princesa ay nilipat sa Oriental Mindoro.
Ipinatupad ang relief order noong Lunes, at di pa matiyak kung anu-anong puwesto ang ibibigay sa mga nasibak.
“Discretion na po ng provincial directors doon kung saan sila ilalagay,” sabi ni Tolentino nang tanungin kung magsisilbi ulit bilang hepe o OIC ang mga na-relieve.
Ibinase ang pagsibak sa performance ng mga police unit ng MIMAROPA mula Disyembre 5, 2017 hanggang Mayo 31, 2018, aniya.
Inirekomenda ng Oversight Committee on Illegal Drugs ang pag-relieve sa 24 noong Hunyo 8, at inaprubahan ni regional police director Chief Supt. Emmanuel Luis Licup.
Kaugnay nito, binalaan ni Licup ang 53 pang natitirang OIC at chiefs of police na pag-ibayuhin ang operasyon kontra krimen, lalo na sa iligal na droga, kung ayaw matulad sa 24 nasibak.
“If they fail, they will be facing the same fate as the 24,” aniya.