NBA Legend Sam Perkins bibisita sa PH

ANG NBA Legend at dating miyembro ng Indiana Pacers na si Sam Perkins ay darating sa bansa ngayong Hulyo 1-4 para i-promote ang isasagawang NBA Global Games Philippines 2013.

Ang laro, na gaganapin sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Oktubre 10, ay bahagi ng malawak na NBA Global Games schedule at ito ang kauna-unahang preseason game sa Pilipinas at Southeast Asia.

Pangungunahan ni Perkins ang ‘100 Day Countdown’ event at magsasagawa rin siya ng mall visits at sasali sa mga espesyal na programa na isasagawa ng NBA at SM Group.

Ang NBA Global Games ay lalahukan ng walong NBA teams na maglalaro sa walong lungsod sa anim na bansa ngayong darating na Oktubre.

Ang nasabing schedule, na katatampukan ng Chicago Bulls, Golden State Warriors, Los Angeles Lakers, Oklahoma City Thunder, Philadelphia 76ers at Washington Wizards, ay sasamahan din ng kauna-unahang NBA preseason game sa Brazil at sa mga lungsod ng Bilbao, Spain at Manchester, England.

Kasama rin dito ang mga laro na gaganapin sa Beijing, Istanbul, Shanghai at Taipei. Sa kasalukuyan, ang NBA ay nakapagdaos na ng kabuuang 138 preseason at regular-season games sa 19 bansa at sa mga rehiyon ng Europe, Americas at Asia magmula noong 1978.

Si Perkins ay ang fourth overall pick ng Dallas Mavericks sa 1984 NBA Draft. Naging matagumpay din si Perkins sa larangan ng basketball dahil mayroon siyang NCAA championship ring at Olympic gold medal maliban pa sa paglalaro niya sa NBA Playoffs sa 13 sa kanyang 15 pro seasons.

Kilala sa tawag na “the Big Smooth”, si Perkins ay nakilala sa kanyang 3-point shooting at high-low post game.

Read more...