Pari niratrat sa simbahan, patay

NASAWI ang isang paring Katoliko nang pagbabarilin ng mga di pa kilalang salarin habang naghahandang magmisa, sa loob ng isang kapilya sa Zaragoza, Nueva Ecija, Linggo ng gabi.

Ang pagpaslang kay Fr. Richmond Nilo, kura ng San Vicente Ferrer Parish, ay ang ikalawang naiulat na pagpatay ng pari sa Nueva Ecija, ikatlo sa Luzon, at ikaapat na pamamaril sa mga alagad ng Simbahang Katoliko, mula lang noong Disyembre.

Naganap ang pinakahuling insidente dakong alas-6, sa kapilya ng Brgy. Mayamot.

Nagbibihis si Nilo sa likod ng altar para sa nakatakdang misa, nang pagbabarilin ng isa sa dalawang lalaking sumilip sa bintana, ayon sa ulat ng Central Luzon regional police.

Agad ikinasawi ng pari ang pitong tama ng bala sa ulo’t katawan.

Natagpuan sa pinangyarihan ang pitong basyo, dalawang slug, at dalawang metal fragment mula sa kalibre-.45 pistolang ginamit ng gunman.

Sinasabing tumakas ang mga salarin sakay ng isang motorsiklo patungo sa direksyon ng Brgy. Panabingan, San Antonio, matapos ang insidente.

Ayon sa ilang nakasaksi, nakasuot ng kulay brown na t-shirt, maong pants, at puting gora ang gunman.

Kinondena ni Chief Supt. Amador Corpus, direktor ng regional police, ang pagpaslang kay Nilo, na naganap anim na buwan lang matapos patayin si Fr. Marcelito Paez noong Dis. 4, 2017 sa bayan ng Jaen, doon din sa Nueva Ecija.

Ayon sa police official, bumuo na ng special investigation task group para alamin ang motibo sa pinakahuling pagpatay.

“No stone will be left unturned… I have ordered my men to conduct a thorough investigation for the possible identification and apprehension of suspects, the soonest possible time,” aniya.

Matatandaan na matapos paslangin si Paez, pinagbabaril din at napatay si Fr. Mark Anthony Ventura nito lang Abril 29 sa Gattaran, Cagayan.

Noon namang Hunyo 6, pinagbabaril at nasugatan si Rev. Fr. Rey Urmeneta sa Calamba City, Laguna.

Read more...