HINDING-HINDI na makakalimutan pa ng mga tagapamuno ng isang network ang naging karanasan nila sa isang pamosong babaeng personalidad. Hindi nila malaman kung saan nauuwi ang kanyang kinikita na hindi naman barya-barya lang.
Milyones ang halaga ng kanyang kontrata, guaranteed pa, may gawin siyang proyekto o wala sa istasyon ay bayad siya kada buwan hanggang sa matapos ang kanyang kontrata.
Pero takang-taka ang kanyang mga boss, bakit ganu’n, sa kabila ng laki ng kanyang kinikita ay parang palagi pa rin siyang walang datung.
Kuwento ng aming source, “Nag-assign sila ng isang staff para mag-alaga sa kanilang contract star, ang taong ‘yun ay nagre-report sa mga boss kung ano na ang nangyayari sa kanya sa araw-araw.
“Ang assigned staff din ang nagdadala ng kanyang paycheck, alam ng taong ‘yun kung magkano ang ta-lent fee niya kada buwan, pero nu’ng bandang huli ay takang-taka rin ang nagbabantay sa kanya kung bakit palagi siyang walang pera,” pasakalyeng chika ng aming impormante.
Nakatira ang pamosong female personality sa isang condo unit, nasa ibaba lang ng building na tinitirhan niya ang isang kilalang banko kung saan niya ipina-e-encash ang kanyang tseke.
“Hindi naman kasi siya nakakasama ng staff sa magdamag, paminsan-minsan lang nagpupunta sa kanyang tirahan ‘yung tao, takang-taka rin ang staff kung bakit walang kalaman-laman ang ref ng girl. Walang mga pagkain sa kusina, ano nga naman ‘yun?
“Napakalaki ng kinikita niya, pero parang wala namang naipupundar ang aktres, ni pagkain nga ay walang nakikita ang staff, kaya nagtanong na siya sa mga security guards ng building.
“Gabi-gabi pala siyang umaalis, nagta-taxi lang siya dahil wala na ang service ng network na ginagamit niya. Umuuwi siya nang paumaga na, mukhang pagod na pagod, parang lantang bulaklak na siya kapag bumabalik sa tinitirhan niya.
“Sa bisyo pala ng girl napupunta ang kinikita niya, sa gabi-gabi at kung minsan, e, maghapon niyang pagsusugal nauuwi ang milyones na kinikita niya.
“Sayang na milyones, dumadaan lang ‘yun sa mga palad ng girl, kinakain lang ng makina. Naku, Bradly Guevarra at Tita Nene Ulanday, kailangan pa ba naman ng clue para lang n’yo mahulaan kung sino ang bulagsak sa perang personality na ito?” pagtatapos ng aming source.