PEKS MAN: ‘Dok Utak’ kailangan sa PBA

WALANG mawawala kung pag-aaralan ng PBA, MPBL o ng iba pang mga ligang pambasketbol ang ginawa ng National Basketball Association (NBA).
Ang tinutukoy ko ay ang pagkuha ng isang doktor na titiyak sa kalusugan hindi ang pisikal na katawan kundi ang mental na kondisyon ng mga manlalaro.
Henyong maituturing ang ginawa ng National Basketball Players Association ng NBA.
Hindi na bago sa atin ang mabasa ang mga balitang napapa-trobol ang mga aktibo at retiradong basketbolista dala na rin ng kanilang kakulitan o kawalan ng respeto sa mga kalaban sa loob at labas ng court.
Nakagugulat din ang mga biglaang pagbagsak ng laro ng mga superstar at ang pagdapo ng iba’t-ibang ‘injury’ sa mga krusyal na laban.
Tao lamang ang mga manlalarong ito kahit pa propesyonal silang maituturing. Nagkakamali rin sila at nadadala ng kanilang mga emosyon.
Ang mga NBA players na sina Demar DeRozan at Kevin Love ay may mga problema pala sa utak at hindi ko rin masisi ang iba kung sabihin nila na may problema si JR Smith ng Cleveland o sina Draymond Green at Tristan Thompson na tila palaging galit.
Maraming manlalaro sa PBA na sa ngalan ng ‘‘competitiveness’’ ay tila bulkang sumasabog. Kailan lang ay pinatawan ng mga multa sina Kelly Nabong, Maverick Ahanmisi, Moala Tautuaa, Jay Washington, Ryan Araña, Bradwyn Guinto at Raymond Almazan. Sariwa pa sa ating ala-ala ang ginawa ni Terrence Romeo sa dati nitong coach sa GlobalPort na si Pido Jarencio.
Kung susuriin ay pamilyar ang mga pangalang napapatawan ng multa at suspensyon.
Natitiyak kong hindi mga sira-ulo ang mga propesyonal na ito ngunit maaaring kailangan nila ng mga paalala o mga payo mula sa kinauukulan upang maiwasan ang gulo o suntukan sa liga.
At hindi rin maisasantabi na maaaring may mga dinadala silang problema mula sa kanilang mga tahanan tungo sa palaruan.
Hindi ba’t may mga propesyonal na nasasabit sa mga gulo matapos ang kanilang playing career?
Kung hindi kayang gawin ng asosasyon ng mga basketbolista, tiyak akong pag-aaralan ito mismo ng PBA Board at ng masipag at walang pagod na si Commissioner Willie Marcial.Isang stressful job ang pagiging pro cager at yung iba ay kailangang magpasuri kay “Doc Utak”.
Asian Drift King si Keng

Pinakamaliit at pinakamatandang kotse ang sinakyan ni Thai racer Wuttitat “Keng” Pankumnerd ngunit hindi ito naging hadlang upang magtagumpay sa King of Asia Pro Series 2018 drifting championship ang pambato ng PTT Lubricants sa Clark International Speedway.
Mahusay na dinala ng 24-taon gulang kilala bilang ‘‘The Little Wizard’’ ang kanyang 700hp, 1978 Toyota Corolla Ke30, upang sagupain ng husto ang paboritong si Daigo Saito ng Japan.
Ginamit ng Hapon ang 1200hp Black Lexus SC430 sa kumpetisyon. Nakuha ni Saito ang unang puwesto ngunit sapat na ang ikalawang puwesto ni Keng upang makuha ang overall title at karangalan bilang hari sa Asya. Ikatlong leg ng serye ang Pilipinas.
“We are proud of what you have achieved here in the Philippines, and we hope that you would continue your success in all your races whether in Thailand or abroad. We will always support you being part of PTT RD-2 team,” wika ni PTT Philippines President & Chief Executive Officer Sukanya Seriyothin.
Umani rin ng paghanga si Keng mula kay PTT Philippines Director for Commercial Fuels and Lubricants Vittaya Viboonterawud. “We are very impressed of his (Keng’s) performance and we hope to see him in more international drifting competitions carrying PTT RD -2 Lubricants Team.’’
Tuloy-tuloy ang tagumpay ng PTT Philippines na napili rin ng People Management Association of the Philippines bilang Employer of the Year.

Read more...