Aga, Edgar Allan, Arnold, Sid, Dido, Mary Joy present sa nominees night ng 2nd Eddys

AGA MUHLACH, EDGAR ALLAN GUZMAN, ARNOLD REYES AT DIDO DELA PAZ

HINDI nakadalo ang lahat ng nominado sa 2nd EDDYS dahil may mga nauna silang mga lakad at ‘yung iba ay nasa ibang bansa para sa mga shooting ng kani-kanilang mga pelikula.

Humanga ang lahat kay Aga Muhlach dahil pinanindigan niya ang ibig sabihin ng kanyang pangalan dahil 5 p.m. pa lang ay nasa venue na siya. Nominated siya bilang Best Actor para sa pelikulang “Seven Sundays” mula sa Star Cinema. Mismong ang mga officer ng SPEEd ang nag-abot sa kanya ng Certificate of Nomination.

Sabi nga ng isang taga-SPEEd, “Iilan pa lang kaming nandito, dumating na si Aga. Nakakatuwa si Aga dahil talagang nag-effort siya para makarating.”

Maagang dumating ang aktor dahil patungo siya ng Vancouver, Canada para sa shooting ng pelikula nila ni Bea Alonzo mula sa Star Cinema at Viva Films na ididirek ni Paul Soriano.

Nagpadala naman ng kani-kanilang representative ang mga hindi nakadalo para tanggapin ang kanilang mga Certificate of Nomination.

Ilan pa sa mga dumalo ay sina Best Actor nominee Edgar Allan Guzman para sa “Deadma Walking”, Dido dela Paz at Arnold Reyes na nominado naman sa pagka-Best Supporting Actor para sa “Respeto” at “Birdshot.”

Sa mga nominado sa pagka-Best Actress bukod tanging si Mary Joy Apostol lang ang nakapunta para sa pelikulang “Birdshot”. Hindi rin nakarating ang mga Best Supporting Actress nominees.

Nakita rin namin sa event ang direktor ng “Deadma Walking” na si Julius Alfonso at ang direktor ng “Birdshot” na si Mikhail Red.

Nagsilbi namang host ng Nominees Night ng 2nd EDDYS si Rhian Ramos habang nag-perform naman sina Dessa at Katrina “Suklay Diva” Velarde na pinalakpakan ng audience sa kanilang birit showdown.

Wish namin na sa mismong gabi ng parangal ng 2nd EDDYS sa Hulyo 9 ay makadalo na ang lahat ng nominado.

Read more...