ANG dami-dami talagang gustong sumakay sa Wish 107.5 Bus na pag-aari ng UNTV para ma-experience kumanta nang live habang umaandar ito at umiikot sa Metro Manila.
Ang layunin kasi nito ay para maipakilala ang OPM talents hindi lang dito sa Pilipinas kundi pati na rin sa iba’t ibang panig ng bansa.
Isa sa nakipag-partner sa Nominees Night ng 2nd EDDYS (Entertainment Editors Choice) ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd) ay ang Wish 107.5 at nabigyan ng pagkakataon ang mga nominado para makasakay sa Wish Bus at makapanayam ng piling showbiz columnists at bloggers.
Nagkaroon din ng chance na makapasok sa sikat na Wish Bus sina Film Develoment Council of the Philippines (FDCP) Chairperson Liza Diño kasama ang asawa nitong si Ice Seguerra. Pinagbigyan din ng showbiz couple ang request sa kanila na mag-duet pagkatapos ng panayam.
Dumalo sina Liza at Ice sa Nominees Night ng The EDDYS 2018 nitong Linggo, na ginanap sa Valencia Events Place dahil suportado rin ng FDCP ang ikalawang taon ng pagbibigay parangal ng SPEEd na magaganap sa Hulyo 9.