Bakbakan sa Sagada: pulis patay, 9 pa sugatan

NASAWI ang isang pulis habang siyam pa, kabilang ang isang opisyal, ang nasugatan nang makasagupa ng mga alagad ng batas ang mga hinihinalang rebelde sa Sagada, Mountain Province, Martes ng umaga.

Nakilala ang nasawi bilang si PO2 Henry Dion, ayon sa ulat ng Cordillera regional police.

Sugatan naman sina Supt. Joseph Cayat, PO3 Wilfred Manacnis, POI Aldrin Bocalan, PO1 Clarence Abuan, PO1 Antolin Potpoten, PO1 Xander Depnag, PO1 Jake Paat, PO1 Yasser Guzman, at PO2 Regie Palome.

Nakasagupa ng Regional Mobile Force Battalion 15 at Mountain Province Provincial Mobile Force Company ang mga umano’y rebelde sa Mt. Sipitan, Brgy. Aguid, dakong alas-9:40.

Nagsasagawa ang operasyon ang mga naturang police unit para mapigilan ang napaulat na pangingikil ng mga armado doon, nang maganap ang engkuwentro, ayon sa ulat.

Inatasan na ni Chief Supt. Rolando Nana, direktor ng Cordillera police, ang lahat ng unit ng pulisya sa lalawigan na magsagawa ng operasyon para harangin ang mga armado, at alamin kung may mga taong nagpapagamot para sa tama ng bala sa mga ospital, lalo na sa Sagada at Bontoc.

Read more...