PINAG-UUSAPAN ngayon sa social media ang poster ng meet and greet ni Special Assistant to the President Bong Go sa Hyewadong, Seoul, Korea nitong nagdaang Linggo.
Bukod kasi sa prominenteng larawan nito na nasa pinakagitna kasama si USec Mocha Uson at iba pang showbiz celebrities ay bidang-bida ang billing ng kanyang name.
Marami tuloy ang nagtatanong kung pondo raw ba ng gobyerno ang ginastos ng mga ito at ano nga ba raw ang tunay nilang misyon sa naturang bansa kahit pa nga panay ang tanggi ng kampo ni Go na tine-test na nito ang tubig sa pagpasok sa pulitika.
“Celebrity ba siya para makipag-meet and greet?” pagtataray ng isang netizen sa tila mala-showbiz na pagdalaw ni Bong Go sa Korea.
Bukod kay Mocha, kasama rin niya sa naturang poster sina Kuya Ipe (Phillip Salvador), Robin Padilla at Ryan Bang. Nauna nang ipinagtanggol ni Kuya Ipe si Go na kanyang kaibigan at sinabing wala pang final sa pagtakbo nito sa Senado.
Kaya kung anuman ang meaning ng “Go na Tayo” sa naturang poster, kayo na raw ang bahalang humusga. May mga nagtatanong din kung magkano raw ang talent fee na ibinayad sa grupo nina Binoe sa pagsama sa Korea. Imposible naman daw na kahit singkong duling ay wala silang tinanggap.