NAALALA ng Artista Academy grand winner Vin Abrenica noong una namin siyang nainterbyu before the grand finals ng biggest reality artista search ng TV5 sa grand presscon naman ng bago nilang primetime teleserye na Misibis Bay na magsisimula na sa July 1.
Feeling blessed nga si Vin dahil may kasunod na teleserye agad siya pagkatapos ng Never Ever Say Goodbye kung saan nakasama niya ang Superstar na si Nora Aunor.
“Happy kung sa happy. Actually, after ng Never Ever Say Goodbye, dumating ‘yung time na, si kuya (Aljur Abrenica) kasi tinanong ako, ‘O, ano na ang next project mo?’ Noon laging puyat.
Tapos may bakante ng one week, sabi ko parang hindi ako sanay. Nag-prepare ako for something. Nag-workout ako, kasi gusto ko magkaroon ako ng something na pagkakabalahan.
Tapos ‘yun pumasok ‘tong Misibis Bay habang nagpapalaki ako ng katawan,” sabi ni Vin na gaganap bilang si Charlie Cadiz.
Tanggap daw ni Vin kung hindi lang sa kanya naka-focus ang kwento ng serye unlike his first teleserye niya with co-Artista Academy grand winner na si Sophie Albert.
Para kay Vin, time naman daw ngayon ng lead sa serye na si Ritz Azul ang magbida. “Naniniwala naman ako na kanya-kanya talagang time. At kahit ano pa ang role mo, walang small role or big role.
Ako kung ano ang ibigay na role sa akin, tanggap ko. ‘Yun po ang turo sa akin,” sabi niya. Happy naman daw siya sa role niya at makatrabaho ang award-winning actor na si Christopher de Leon at ang dating Miss Body Beautiful na si Vivian Velez.
“Doon sa Never Say… mas nakakapagod siya kasi sa amin (ni Sophie) umiikot ang istorya, kami ang lead doon. Dito marami kami, may kanya-kanyang story kaya mas nalalaro mo talaga ‘yung role. Napapag-aralan mo kapag napapahinga ka.
Dapat ma-distinguish mo ‘yung role mo lalo na sa tatlong magkakapatid, like si Daniel (Matsunaga) dapat iba kay Victor (Silayan), tapos ako. Dapat hiwa-hiwalay kami,” sey ni Vin.
Hindi naman daw siya nanibago working with Ritz kasi nagkasama na sila noon sa Artista Academy. “Malapit talaga kami in a way kasi alam mo ‘yung pinanalo ko sa Artista Academy, ‘yung short film, siya ‘yung artista ko.
Tapos dito naman sa Misibis, si Ritz kasi sobrang sunud-sunod ang eksena kaya lagi siyang wala sa stand by area. Lead kasi siya. Pero masaya siyang kasama.
Kapag gusto o siyang kulitin makukulit mo siya any time,” sey pa ni Vin. Namula naman si Vin when we asked him kung may physical attraction ba na namagitan sa kanila ni Ritz sa mga eksena nila sa Misibis Bay, “Meron kaming eksena dito na talagang physical attraction, nag-massage.
Ako ‘yung minamasahe niya. Nag-massage kami pareho. Ha-hahaha. Parang ako muna ang minasahe niya, tapos siya,” natatawang kwento nito. At anong klaseng massage ang ginawa sa kanya ni Ritz? “Parang back massage lang. Lagay-lagay lang ng oil.
But siyempre may konting hiyaan. Nanibago ako ng sobra. Nakikita nanginginig ang kamay ko, e.” In character naman daw si Ritz sa role niya habang minamasahe niya si Vin, “Mukhang sanay siya, in a way.
Kasi ako naman meydo nakaupo lang ako. Hindi masyadong mahirap. ‘Yung sa akin kasi nakahiga siya. So, mas relax,” ngiti ni Vin. Bukod sa bagong teleserye sa TV5, excited din si Vin sa pinag-uusapan na first indie film niya if ever at muli nilang pagsasamahan muli ni Nora Aunor.