JACKPOT ang rap group na Ex Battalion sa malaking break na ipinagkatiwala sa kanila ng Viva Entertainment.
Aba, bukod sa recording artist, isasalang sila sa isang major concert and yes, sa pelikulang gagawin na sa July mula sa panulat ni Mel del Rosario at direksyon ni Dado Lomibao kasama ang manager nilang si Ai Ai delas Alas na homecoming din ng Comedy Queen sa film company, huh!
Inilunsad ng Viva ang hashtag na #VivAiEx last Monday bilang hudyat ng collaboration ng Viva, Ex-B at Ai Ai. Ayon kay Vincent del Rosario, ‘yung hashag ay description ng partnership.
“Basically, ang grupo, Ex Battalion, si Miss Ai, nag-partner kami para makatulong sa pag-enhance sa kanilang career. Bukod sa music, may movie kaming sisimulan later on. Siguro, unti-unti iri-reveal.
“But primarily, ito para sa music and of course, ‘yung kay Miss Ai. Ili-link namin ‘yung pagsasama namin sa movies. Kasama na naming nagpu-produce si Miss Ai. Nami-miss na namin siya lalo na ang kanyang ‘Ina’ series,” pahayag ni Vincent.
“Of course, collaboration na rin ‘yon bilang ako ang manager nila. Pinasok ko rin sila sa Viva for endorsements,” saad ni Ai Ai.
Sa panig naman ng ilang members ng Ex-B, “Proud po kami kung saan kami nakarating ngayon and sa mga nari-receive namin, overwhelmed din kami sa natatanggap namin ngayon from masa, from everyone. Especially, thank you kay Mama Ai sa lahat ng ibinigay nila sa amin at sa mga ibibigay pa. We love you.”
Pero kahit lumalawak na ang pag-usad ng career ng Ex-Battalion, hindi pa rin sila ligtas sa talak ni Ai Ai, “Oo kanina lang! Ha! Ha! Ha!
“Hindi. Naiintindihan ko naman sila, eh. Kasi galing sila underground. Kumbaga, lahat ng nangyayari sa buhay nila, lahat ito, bago sa kanila. So kailangan nila ng konti pang time para ma-absorb lahat ng nangyari sa kanila. Na biglang sikat.
“Although sikat ang kanta nila sa underground, sa internet, ngayon lang sila sumikat. So sunud-sunod. Meron silang TV, meron silang guesting, meron silang endorsement, meron silang movie ngayon.
“So binibigyan ko sila ng time pa to absorb. Nahihilo silang lahat kung ano ang nangyayari sa buhay nila, eh. So ‘yung atake ng pagkahilo nila, nagpapasaway!
“So bilang nanay, gina-guide ko sila. Kaya ko sila napupunyeta paminsan-minsan, kasi nga, nag-a-adjust sila, kasi nga ako, may topak din ako. Artist din ako so pag nagsasalubong ang pagiging artist namin, patay! Pero syempre ako ang nanay, ako ang iintindi sa mga bata!” ani Ai Ai.
q q q
Todo na ang ginagawang paghahanda ni Alden Richards para sa bago niyang serye sa GMA 7, ang Victor Magtanggol.
Aside from regular work out and diet para mas maging toned pa ang kanyang katawan, may ginagawa ring training ngayon ang Pambansang Bae bilang paghahanda sa kanyang mga action scenes.
“I’m doing Parkour now para meron po tayong mai-offer na bago sa mga action scenes,” ayon kay Alden sa panayam n GMA News. Dito ipinakita pa ng Kapuso actor ang kanyang mga kamay na nagkaroon ng kalyo dahil sa nasabing training.
Ang Parkour ay isang obstacle course kung saan ang isang individual na gumagawa nito ay kailangang tumakbo nang mabilis kasabay ng pag-akyat at pagtalon.
“Naisip ko siyang gawin kasi parang siya ‘yung magagamit talaga na skill. Kasi ‘yung talon sa mga bubong, ‘yung mga pagbaba from a certain floor to another floor, ganoon siya ka-intense,” pahayag pa ni Alden.