Aktres sanay na sanay nang maging kabit, kinakaibigan muna ang misis ng kalaguyo

PINAGTAASAN lang ng kilay ng aming source ang mga kuwentong agawan na kalat na kalat na ngayon. Mas nagtaas pa ito ng kilay nang marinig ang pangalan ng female personality na nasasangkot sa istorya.

Kumbaga sa pagkain ay umay na umay na ang source, parang wala nang dating sa kanya ang kuwento, dahil napakarami nitong alam tungkol sa babaeng personalidad.

Ang nasabi na lang ng impormante, “Sanay na sanay na siya ngayon, hindi na siya tinatablan ng pagkabuking ng wife ng nakakarelasyon niya, pinagtatawanan na lang niya ang ganyan!

“Ilang beses na ba kasi siyang nakakatikim ng ganyang bukingan? Maraming beses na, pinagpipistahan ang iba at ang iba niya namang pakikipagrelasyon, e, naitatago niya.

“Pero matindi talaga ang girl na ‘yun, para bang hindi siya masaya kapag wala siyang kaagaw sa karelasyon niya,” napapailing na lang na sabi ng source.

Gasgas na ang kuwentong una muna niyang kinakaibigan ang karelasyon ng lalaki, mas maganda nga naman ‘yun, alam niya ang galaw ng girl para malaya silang nakapagkikita ng asawa o karelasyon nito.

“Pero kailangang makapal ang bulsa ng guy, hindi siya tipo ng babaeng basta papasok na lang sa isang relasyon nang wala siyang napapala. Kailangang worth ang pagpatol niya.

“E, maluho pa naman ang girl, matindi siyang mag-shopping. Parang wala nang bukas dahil lahat-lahat ng gusto niyang magkaroon, e, kailangan niyang makuha nang minsanan lang. Ganu’n siya katindi, kaya kapag pumapasok siya sa relasyon, e, kailangang makakayang ibigay sa kanya ng guy ang bawat magustuhan niya.

“Balewala na lang sa kanya ang mga ganyan, nginingitian na lang niya ang mga nasusulat, sanay na sanay na siya. Mananahimik lang siya, pababayaan na lang niyang mamatay ang issue, tutal naman, e, panalo na siya sa laban,” sabi pa ng aming impormante.

Bradly Guevarra, Tita Nene Ulanday, Jon at Ching Bautista Silverio, kailangan n’yo pa ba naman ng clue kung sino ang girl na ito? Waley na!

Read more...