PANOORIN si McCoy de Leon sa isang mapanghamong pagganap bilang isang lalaking hinarap ang takot na magkaroon din ng sakit na “dystonia” tulad ng kanyang tatlong kapatid ngayong Sabado sa Maalaala Mo Kaya hosted by Charo Santos.
Sa hirap ng kanilang buhay, pinili ni Romel (McCoy) na malayo sa pamilya at sinubok ang kapalaran sa Maynila. Pero sa kanyang paghahanap ng swerte, pag-ibig ang kanyang nakuha sa katauhan ni Easter (Claire Ruiz).
Nang sila ay makasal, minabuti ni Romel na balikan ang kanyang kinagisnan at doon na rin bumuo ng kanyang pamilya.
Ngunit sa kanyang pagbabalik, parang isang bomba ang sumabog sa kanya nang malamang ang kanyang kapatid na si Nonoy (Angelo Ilagan) ay may dystonia, isang sakit na nakakaapekto sa buto ng tao at nagdudulot ng biglaang paggalaw ng iba’t ibang parte ng katawan.
Hindi pa natapos ang dagok sa kanyang buhay nang malamang naipapasa ang sakit at kalaunan ay tinamaan na rin ang kanyang dalawang lalaking kapatid na sina Toto (Marlo Mortel) at Joey (Mico Aytona).
Paano kaya nakayanan ni Romel ang sunod-sunod na dagok sa kanyang buhay?
Ang MMK episode na ito ay sa direksyon ni Dado Lumibao at sa panulat ni Akeem del Rosario.
Ang MMK ay pinamumunuan ng business unit head na si Roda dela Cerna. Abangan ang longest-running drama anthology sa Asya, ang MMK tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.