Nagpaliwanag ang Unkabogable Star na si Vice Ganda kung bakit siya tumangging makipag-selfie sa ilang fans na naghihintay sa kanya sa harap ng isang Korean resto.
Ayon sa TV host-comedian, kinausap niya ang kanyang mga fans at nakiusap na huwag munang makipag-selfie sa kanya. Nagpaliwanag si Vice sa kanyang social media account.
“Sobrang pagod after taping GGV ANNIV episode. Pasensya na sa mga fans na pinakusapan kong pass muna sa paselfie at hug na lng kasi pagod n tlga ko. Thanks for understanding! Bawi ako next time.
“After kasi ng taping kahapon gusto ko nang kumain at umuwi tapos paglabas namin sa ABS, kumain kami sa isang Korean restaurant tapos napansin ko dumadami na yung fans na nag-aabang sa labas so paglabas ko nakiusap ako eh siyempre lahat gusto mag-selfie.
“Sabi ko, ‘Pasensya na ha. Pagod na pagod lang talaga ako. Pagbigyan niyo muna ako ngayon hug na lang. Kasi hindi ko na kaya magpa selfie babawi ako next time,’” ani Vice sa panayam naman ng ABS-CBN.
Tungkol naman sa balitang pagsasanib-pwersa nina Coco Martin at Vic Sotto sa MMFF 2018, alam na raw ni Vice na may ganito ngang kaganapan.
“I’m fully aware of that. Wala namang taong hindi mahigpit ang labanan kasi lahat nagtatrabaho ng husto para makapagbigay ng magandang materyal sa publiko,” aniya.
Pangako naman ni Vice, “Yes, magpi-film fest ako. Ang ganda ng concept ko ngayon. Nung nagmi-meeting pa lang kami sa Star Cinema tawa na kami nang tawa.”
Samantala, ngayong Linggo, June 3, mapapanood na ang anniversary special ng Gandang Gabi Vice na may titulong “GGV PInakamasaya TO! The 7th Anniversary Special”.