Calida sumobra ng P7.46M ang allowance

SUMOBRA umano ng P7.46 milyon ang tinanggap na allowance ni Solicitor General Jose Calida noong 2017, ayon sa Commission on Audit (CoA).

Si Calida ang tumanggap ng mahigit 70 porsyento ng P10.77 milyong honoraria sa 15 opisyal ng Office of the Solicitor General na kinukuwestyon ng CoA.

Nakatanggap umano si Calida ng P8.376 milyong allowance noong nakaraang taon kahit na ang allowable allowance lamang niya ay P913,950 o kasing halaga ng kalahati ng kanyang suweldo.

Ayon sa COA Circular 85-25-E na may petsang Abril 25, 1985 ang mga opisyal ng gobyerno ay maaari lamang tumanggap ng allowance na 50 porsyento ng kanilang suweldo.

Pinuna na rin ng CoA si Calida noong 2016 ng tumanggap ito ng P1.123 milyong allowance sa loob ng kalahating taon. Ang kanyang pinalitan na si Florin Hilbay ay P4.552 milyon.

Ang 14 pang opisyal ng OSG na pinuna ng CoA ay sina Henry Angeles, Herman Cimafranca, James Cundangan, Renan Ramos, Rex Pascual, Bernard Hernandez, Ma. Antonia Edita Dizon, Raymund Rigodon, Danilo Leyva, Lilian Abenojar, John Dale Ballinan, Perfecto Adelfo Chua Cheng, Leney Delfin-Layug at Gift Mohametano.

Inirekomenda ng CoA na ibalik ang labis na allowance at ilagay ito sa Trust Fund ng ahensya.

Pinuna rin ng CoA ang OSG dahil pito sa mga empleyado nito ang nakatanggap ng takehome pay na mababa sa P4,000.

Sa ilalim ng General Provisions of the General Appropriations Act of 2017 hindi na maaaring kaltasan pa ang suweldo ng mga taga-gobyerno kung bababa na ito sa P4,000. Ang kanilang utang ay maaaring kaltasin sa susunod na mg sahod.

Anim na empleyado ang nakapag-uwi ng hindi bababa sa P3,000 at isa ang P1,008.72.

Read more...