HINDI simpleng trabaho sa abroad ang pinupuntahan ng ating mga OFW. Itinataya nila ang kanilang mga buhay sa kanilang pangingibang-bayan.
Wala ring kasiguruhan na ang pasaherong umalis ng Pilipinas ay pasahero pa ring babalik ng bansa. Minsan inuuwi na lamang silang nakakahon.
Kapag nasa abroad na, kung hindi man pasuwelduhin ng tama, o di kaya’y pasuwelduhin sa oras, maaaring Verbal abuse naman ang mapapala nito sa amo.
Mqs matindi ang pisikal na mga pang-aabuso tulad ng pananampal, suntok at tadyak na inaabot ng mga OFW mula sa malulupit na mga amo.
At ang pinakamatindi pa dito, ang mismong pag luray sa puri ng ating mga kababaihan.
Sunod-sunod na naman ngayon ang kaso ng panggahasq sa ating mga Pinay OFW.
Bukod sa Middle East, may mga kaso din ng panggagahasa na isinampa ang mga OFW sa Hongkong.
Kapuna-puna rin na mas malalakas na ang loob ng mga kababaihan ngayon at may katapangan na nilang naisusumbong kung anuman ang nangyari sa kanila.
Dati-rati itinatago na lamang nila iyon at pilit kalilimutan lahat ng klase ng pang-aabuso na kanilang dinanas sa abroad.
Napakalaking tulong ng ating mga opisyal sa mga embahada at konsulado ng Pilipinas na siyang umaalalay sa malubhang mga kalagayan ng ating mga OFW.
Malaking tulong din ang teknolohiya ngayon dahil mabilis na naipapaqbot ang kanilang mga reklamo. Hindi rin pupuwedeng Walang pakialam ang mga opisyal ng gobyerno dahil
mulat na rin ang taumbayan ngayon sa pagbabantay.
Dati pa nga, may ibang umuwing buntis dahil sa panggagahasa sa kanila.
Hindi sila tumuloy sa kanilang mga bahay kundi naghanap ng mga organisasyon na maaaring kumupkop sa kanila pansamantala hanggang sa makapanganak ang mga ito.
Saka iiwan ang sanggol sa naturang organisasyon at uuwi sa kanilang mga tahanan na parang walang nangyari, ibang – iba ang mga kuwento.
Gagawa sila ng magagandang mga kuwento at siyang ilalabad sa pamilya, at desidido ang mga itong hinding- hindi ipaalam ang napakasakit na dinanas sa kanilang pag-aabroad.
Talagang buwis-buhay nga ang pag-aabroad para sa ating mga OFW. Napakahirap isiping habang nabubuhay sila, dadalhin nila ang napakabigat na kabanatang iyon ng kanilang buhay.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM(M-F 10:30 am 12:00 pm, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziqHelpline: 0998.991.BOCW E-mail: bantayocwfoundation@yahoo.com/susankbantayocw@yahoo.com