UMUUSOK ang ilong sa galit ng isang gobernador sa isang lalawigan sa Luzon.
Bakit nga naman hindi, makaraang makarating sa kanyang impormasyon na ipinagkakalat ng isang super-yaman na kongresista na done-deal na raw at bayad na ang kasunduan nila sa darating na halalan sa 2019.
Ang press release kasi ng mambabatas sa kanyang mga kaalyado sa lalawigan ay tuloy na ang pagtakbo niya at nakatitiyak na raw ang kanyang panalo bilang susunod na gobernador ng lalawigan.
Pumayag na raw kasi ang kasalukuyang gobernador na maging runningmate ng kongresista ang kanyang misis sa susunod na halalan.
Binayaran na raw kasi ng mambabatas si Mr. Governor kaya pumayag na ito na tumakbo na lamang bilang vice governor ang kanyang misis.
Kapag nangyari ito ay magiging babae ang gobernador gayun rin ang bise governador ng kanilang lalawigan at hindi matutuloy ang salpukan ng dalawang anak ni Eva sa halalan.
Kaya naman noong makarating ang balitang ito ay kaagad na nag-react si Mr. Governor.
Kanyang ipinatawag ang kanilang mga supporters para sabihin na hindi totoo ang nasabIng tsismis dahil tuloy Raw ang kandidatura ng kanyang misis bilang kahalili niya sa pamumuno sa lalawigan.
Hindi umano kayang bilhin ng mambabatas ang kanyang paninindigan kahit na nagpaulan ito ng pera noong nakalipas na halalan.
Ang mambabatas at ang kanyang mister na pulitiko rin ay kapwa nanalo sa nakaraang eleksyon dahil sa laki ng kanilang inilabas na pera bilang pang-ayos sa mga botante.
Pero ilang taon pa lamang ang nakalilipas ay kaagad na ring nakita ng mga constituents nila na mali ang desisyon nila na magpabayad kapalit ng boto dahil pabaya sa panunungkulan ang mag-asawang pulitiko.
Ang mambabatas na nagpalutang ng ulat na nabili na niya ang susunod na posisyon sa gobyerno sa 2019 ay si Madam L…as in Lambing.
Ang gobernador naman na nangakong hindi ipagbibili ang kanilang pangalan sa halalan ay si Mr. W…as in Waling-waling.